Lalaki, timbog sa baril, pampasabog sa Caloocan
- Published on January 21, 2026
- by @peoplesbalita
KALABOSO ang isang lalaki matapos magbenta ng hindi lisensyadong baril sa isang pulis at makuhanan pa ng pampasabog sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang naarestong suspek na si alyas “Erwin”, 38, residente ng Brgy., 176-C, Bagong Silang ng lungsod.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Goforth na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Intelligence Section hinggil sa umano’y iligal na pagbebenta ng suspek ng baril.
Dahil dito, kaagad ikinasa ng mga operatiba ng Intelligence Section sa pangunguna ni P/Capt. Mark Son Almeranez ang buy bust operation laban kay alyas Erwin.
Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ng isang baril, kaagad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-10:00 ng gabi malapit sa kanyang tirahan sa Bagong Silang.
Bukod sa nabili na isang kalibre .45 pistol na kargado ng isang magazine at tatlong baka, nakumpiska din sa suspek ang buy bust money at isang 40mm HE High Explosive Grenade intended for grenade launcher.
Pinapurihan naman ni BGen. Dela Cruz ang arresting team sa kanilang matagumpay na operation na naglalayong bawasan ang krimen at labanan ang mga ilegal na aktibidad. (Richard Mesa)