VICE MAYOR CHI ATIENZA NAKIISA SA 2026 BULING-BULING CELEBRATION
- Published on January 21, 2026
- by @peoplesbalita
NAGNINGNING sa musika, sayaw, at debosyon ang distrito ng Pandacan nang pangunahan ni Manila Vice Mayor Chi Atienza ang pagdiriwang ng 2026 Buling-Buling Street Dance Festival nitong Sabado, Enero 17.
Ang Buling-Buling ay isang relihiyoso at makasaysayang tradisyon kung saan nagsasayaw sa lansangan ang mga deboto na nakasuot ng Barong Tagalog ang mga lalaki at Saya o Filipiniana Terno naman ang mga babae bilang alay sa Mahal na Santo Niño.
Bilang kinatawan ng pamunuan ng lungsod sa ngalan ni Mayor Isko Moreno, nakisama si Atienza sa libu-libong deboto, mga opisyal ng barangay, at mga grupong pangkultura sa taunang sayaw-prusisyon na ginanap sa Liwasang Balagtas.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Atienza ang kahalagahan ng pananampalataya sa pagharap sa mga pagsubok.
“Kumapit tayo kay Santo Niño, sa Panginoon, sa ating puso at sa ating pananampalataya. Kahit ano pa man ang pinagdaraanan ng bawat isa sa inyo, naniniwala ako na malalampasan natin basta sama-sama tayo,” aniya.
Ipinabatid din ng bise alkalde ang mainit na pagbati ni Mayor Isko Moreno, na noon ay nasa Singapore para sa karagdagang pag-aaral upang makapagdala ng mga pandaigdigang best practices sa pamahalaang lungsod.
“Nakita ko, he also had child-like faith like Santo Niño, na hindi natin naramdaman ang hirap na pinagdaanan ng administrasyong ito at gumawa siya ng paraan para maibigay pa rin sa atin ang kanyang mga ipinangako,” ani Atienza, kasabay ng pagtiyak na tuloy-tuloy ang paghahatid ng serbisyo ng lokal na pamahalaan, lalo na sa larangan ng kalusugan.
Nakibahagi rin ang bise alkalde sa kasiyahan ng komunidad at namataan na sumasayaw kasama ang mga residente habang nagbibigay-pugay sa Santo Niño de Pandacan, suot ang isang mint green na terno.
Dumalo rin ang mga Lider ng Simbahan, mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga kinatawan ng sektor ng kultura, bilang patunay sa patuloy na buhay ng tradisyon at debosyon ng mga Pandaqueno.
(Gene Adsuara)