• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Impeachment complaint laban kay PBBM, hindi makabubuti sa ekonomiya ng Pinas- Malakanyang

HINDI makabubuti sa ekonomiya ng Pilipinas ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa katunayan ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, isang sagabal para sa Pangulo ang impeachment complaint.
Tugon ito ng Malakanyang sa napaulat na mariing binatikos ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos at iginiit na isa lamang itong diversion para ilihis ang atensyon ng publiko mula sa umano’y malalaking anomalya sa flood control projects
”Kung ‘yan ang nasa isip niya wala po tayong magagawa pero hindi po natin alam kung ano ang intensyon ng mga taong nagsampa ng impeachment complaint, at the same time, ang pagsasampa ng impeachment complaint ay sagabal din sa Pangulo kaya wag niyang isipin na parang mahina ‘yung kaso or what,” ayon kay Castro.
”Hindi ito maganda sa paningin ng tao, hindi maganda sa paningin ng ibang mga foreign countries so di rin ito maaaring maganda sa paningin para sa ekonomiya, so huwag niyang maliitin ang impeachment complaint,” dagdag na pahayag ni Castro.
Inilarawan ni Pulong Duterte ang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos bilang isa lamang ‘drama.’
“Mga impeachment cases na ganito ay walang ibang purpose kundi ang idepensa ang isang impeachable official laban sa mga totoong impeachment cases… Kung seryoso kayo sa corruption, doon kayo sa may ebidensya. Pero kung drama lang ang hanap, sige — impeachment ang props,” ang sinabi ni Pulong Duterte sa kanyang Facebook account. (DARIS JOSE)