• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Puganteng nakatakas sa Iwahig Prison, nadakip sa Caloocan

MAKALIPAS ang 37-taong pagtatago makaraang makatakas mula sa Iwahig Prison and Penal Farm, nadakip na ang 57-anyos na pugante nang matunton ng pulisya sa Caloocan City.

Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz hinggil sa kinaroroonan ng pugante.

Katuwang ang mga tauhan ng Bureau of Corrections-National Capital Region, agad ikinasa ng mga operatiba ng District Investigation and Detective Management Division (DIDM) ng NPD ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa pugante sa Saint Peter St. Brgy. 186, alas-5:30 ng hapon.

Ayon kay BGen. Dela Cruz, wanted sa kasong Murder ang pugante na matapos mahatulan at mabilanggo sa Iwahig Prison ay nagawang makatakas at nakapagtago na mahigit tatlong dekada.

Nagpahatid naman ng pasasalamat si Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. sa pamunuan ng NPD at sa DIDM na nanguna sa pagtunton at pagdakip sa pugante na 37-taon ng tinutugis. (Richard Mesa)