• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PUGANTENG NAHATULAN SA KASONG RAPE SA CALOOCAN, NAKORNER SA LAGUNA

TIMBOG ang isang pugante na nahatulan na sa kasong Rape Through Sexual Assault sa Caloocan City nang matunton ng pulisya sa pinagtaguang lugar sa lalawigan ng Laguna.
Ikinasa ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang operation matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon sa kinaroroonan ng 35-anyos na pugante na nahatulan na ng hukuman sa kasong Rape Through Sexual Assault.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth, ang akusado ay nakatala bilang No. 4 sa Top Ten Most Wanted Person sa Caloocan City Police Station.

Dakong alas-5:50 ng umaga nang tuluyang masukol ng kapulisan, sa pangunguna ng Warrant and Subpoena Section ng Caloocan CPS ang akusado sa Maharlika Highway, Brgy. San Juan, Alaminos, Laguna.

Binitbit siya ng pulisya sa bisa ng dalang warrant of arrest na inilabas ni Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 121, na may petsang Disyembre 2, 2025.

Sinabi ni BGen. Dela Cruz na ang NPD ay nananatiling matatag sa kanyang pangako sa pagtugis sa mga pugante at pagtiyak na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima. (Richard Mesa)