DATING DPWH MANNY BONOAN, BALIK PINAS
- Published on January 19, 2026
- by @peoplesbalita
KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) ang pagdating sa bansa ng dating Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Manuel “Manny” Bonoan sa Ninoy Aquino International Airport nitong Linggo ng umaga, Enero 18, 2026.
Dumating si Bonoan sakay ng China Airlines flight CI0701 mula Taipei.
Isinailalim siya sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) alinsunod sa utos ng Department of Justice (DOJ) upang bantayan ang kanyang mga galaw kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa mga umano’y anomalya sa mga flood control project at tinaguriang mga “ghost project.”
Ayon sa mga rekord, umalis ng bansa si Bonoan noong nakaraang taon upang samahan ang kanyang asawa sa Estados Unidos para sa isang medikal na pamamaraan.
Wala siyang ibang kasamang pasahero sa kanyang pagdating.
Muling iginiit ng BI na ang paglalabas ng immigration lookout bulletin ay layong matiyak na agad na naipapaalam sa mga awtoridad ang pagdating o pag-alis ng mga persons of interest sa mga kasalukuyang iniimbestigahan.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na agad nilang ipinaabot ang impormasyon sa Kalihim ng Katarungan, alinsunod sa umiiral na mga alituntunin. (Gene Adsuara)