• April 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DATING NTF-ELCAC SPOX BADOY NAGBAYAD NG P30K

PINAGBAYAD ng halagang P30 libo si dating National Task Force to end Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lorraine Badoy bilang multa sa kasong indirect contempt.
Nahatulan guilty si Badoy noong Agosto 2023 dahil sa pag-atake nito online laban kay Judge Marlo Magdoza-Malagar ng Manila Regional Trial Court Branch 19.
Matatandaang nag-isyu ng resolusyon noong September 21, 2022 si Malagar na nagbasura sa petisyon ng Department of Justice para isama ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) bilang terrorist group sa ilalim ng Human Security Act.
Nag-post naman si Badoy sa kanyang Facebook ng mga insulto laban sa hukom na tinawag nitong kaibigan ng CPP-NPA-NDF.
Nagbanta rin si Badoy na papatayin si Judge Malagar at nagsabi pa na bobombahin ang mga opisina ng mga hukom na maituturing na kaibigan ng mga terorista.
Ito ang naging ugat ng paghahain ng petisyon ng ilang grupo ng mga abogado para ipa-cite dahil sa indirect contempt.
Ayon sa Korte Suprema, kailangan mabalanse ang kalayaan sa pagpapahayag at proteksiyon ng judicial independence . (Gene Adsuara)