• April 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bebot na wanted sa Qualified Theft sa Makati, natimbog sa Valenzuela

SHOOT sa selda ang isang babae na wanted sa kasong Qualified Theft sa Lungsod ng Makati matapos maaresto ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City.

Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, ang akusado ay isang 30-anyos na bebot.

Napag-alaman ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela CPS na may warrant of arrest ang akusado na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 135, Makati City nitong January 14, 2026 para sa pitong bilang na kasong Qualified Theft.

Nang makatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang presensya ng akusado sa Valenzuela City ay agad ikinasa ng mga operatiba ng WSS ang pagtugis sa kanya.

Dakong alas-5:20 ng hapon nang tuluyang maaresto ng mga operatiba WSS ang akusado sa kahabaan ng G. Lazaro Street, Barangay Dalandanan sa bisa ng arrest warrant na may inirekomendang piyansa na P280,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Pinuri naman ni BGen. Dela Cruz ang dedikasyon at pagsisikap ng Valenzuela CPS sa paghahanap sa mga wanted na kriminal upang maaresto at mapanagot sa nagawa nilang kasalanan. (Richard Mesa)