• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

₱54.4-M HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA MULA SA TARGET-LISTED DRUG PERSONALITY, 3 IBA PA SA NAGA CITY, CEBU

ARESTADO ang isang target-listed personality at ang kanyang tatlong kasamahan na nahulihan ng ₱54.4 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng PDEA Cebu Provincial Office at PDEA 7 Intelligence Section – Intelligence Operation Unit, kasama ang Naga City Police Station, PNP Drug Enforcement Group, Cebu Provincial Police Office, Naval Forces Central, at Coast Guard Central District Office, sa Sitio Suba, Barangay Tuyan, Naga City, Cebu, bandang alas-11:25 ng gabi noong Enero 13, 2026.

Kinilala ni PDEA 7 Regional Director Joel B. Plaza ang naarestong suspek sa operasyon at target-listed drug personality na si alyas Clifford, 47, drayber, at residente ng South Poblacion, Naga City, Cebu.

Nadakip din ang tatlong kasabwat ng suspek na sina alyas Maricel, 39, walang trabaho, mula sa Barangay Tuyan, Naga City, Cebu; alyas Joseph, 52, driver, mula sa Barangay Looc, Mandaue City; at alyas Barbara, 29, online seller, mula sa Barangay Umapad, Mandaue City.

Nakumpiska sa operasyon ang walong pakete ng shabu na may bigat na humigit-kumulang 8,000 gramo na may tinatayang average market value na ₱54,400,000, buy-bust money, ilang ATM at identification card, pitong cellular phone, at isang unit ng four-wheel motor vehicle.

Ang pagbebenta ng mga ilegal na droga, anuman ang dami at kalidad ay hindi maaaring piyansahan at may kasamang pinakamataas na parusang habambuhay na pagkakakulong at may multang ₱500,000 hanggang ₱10 milyon. (PAUL JOHN REYES)