AFP, PNP PINAGTIBAY ANG DEDIKASYON SA SEGURIDAD NG BANSA, PINASALAMATAN SI PBBM SA PAGTAAS NG BUDGET SA 2026
- Published on January 14, 2026
- by @peoplesbalita
PINASALAMATAN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa karagdagang pondo sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA), kasunod ng pag-apruba ng Pangulo sa PhP6.793 trilyon na pambansang budget.
Nagpasalamat din ang dalawang institusyon sa Department of Budget and Management (DBM) gayundin sa Senado at Kamara sa kanilang papel sa pagbalangkas ng nasabing batas sa budget.’
Sa isang press briefing sa Malacañang nitong Miyerkoles, tiniyak ni AFP Deputy Chief of Staff Lt. General Rommel P. Roldan sa publiko na patuloy ang serbisyo at sakripisyo ng mga men at women in uniform upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad ng bansa.
“Mula sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, sa pangkalahatan partikular sa aming Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr., nais kong ipahatid on behalf of your Filipino soldiers ang amin pasasalamat sa pamahalaan sa pamumuno ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,” ani Roldan.
Kinikilala rin ni Roldan ang ginawang pagpapasa ng pambansang budget ng mga mambabatas, kung saan mataas ang inaprub na alokasyon sa mga ahensya ng gobyerno, partikular na para sa AFP basic pay at subsistence allowance.
“Nais ko pong ibigay ang assurance na patuloy ang inyong Sandatahang Lakas na magbibigay, magsasakripisyo para sa ating bayan,”dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Roldan na ang pagtaas ng budget ay pagkilala sa sakripisyo ng mga sundalo at kanilang pamilya, at magsisilbing inspirasyon upang lalo pang pagbutihin ang kanilang tungkulin bilang kasundaluhan.
“Ito rin ay pagkilala sa sakripisyo namin at ng aming pamilya. Dahil rito, alam po ninyo naman na patuloy na propesyunal ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas. At ito ay patuloy na magbibigay inspirasyon sa amin upang gawin nang mas mabuti, patuloy na ang amin pong role bilang inyong kasundaluhan,” ani Roldan.
Si PNP Acting Chief Lt. General Jose Melencio C. Nartatez Jr. naman ay nagpahayag ng pasasalamat sa Pangulo sa pag-apruba ng budget, sa Kongreso sa pagpasa nito, at kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla sa kanyang paggabay sa pagpapatibay ng mga programa ng PNP para sa kapayapaan, kaligtasan ng publiko, at mabuting pamamahala.
Sinabi ni Nartatez na tumaas ng 10 porsyento ang budget ng PNP, mula PhP205 bilyon noong nakaraang taon tungo sa PhP226 bilyon ngayong taon.
“Rest assured that this budget that corresponds to the various programs, activities and projects of the PNP will be geared towards building a safer community and a better police service for all Filipinos,” ani Nartatez.
Binigyang-diin niya na nananatiling nakatuon ang PNP sa kanilang adyenda ng reporma sa ilalim ng panawagan na, “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas. Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.” ( Daris Jose)