Japan-level standards para sa Maharlika at Andaya highways
- Published on January 14, 2026
- by @peoplesbalita
INIHAYAG ni Camarines Sur 3rd District Rep. Nelson Legacion na ibase sa ipinatutupad na road ng Japan ang pagsasaayos ng kalsada.
Kasunod ito sa planong pagbisita ni Public Works Secretary Vince Dizon sa Bicol.
Pinasalamatan din ng mambabatas si Presidente Marcos sa mabilis nitong aksyon para maipagawa ang Maharlika at Andaya highways.
Sinabi pa ni Legacion na ang desisyon ni Dizon na bumiyahe sa Bicol mula sa Manila at pag-imbita sa media na makita ang kondisyon sa daan ay pagpapakita sa pagiging seryoso nito sa pagtugon sa problemsa na kinakaharap ng motorista at commuters ng may ilang dekada.
“This is exactly what we have been asking for. Decision-makers must see and feel what our people experience every day. Hindi na ito puwede pang patagalin,” anang mambabatas.
Una nang inihayag ni Dizon ang pagsasagawa ng land inspection mula Enero 16 hanggang 17 para tingnan ang aktuwal na kondisyon ng Maharlika Highway, partikular na sa Bicol, kung saan malaking bahagi ang nasira na dahil sa katandaan, heavy traffic, at taon ng paulit-ulit na patchwork repairs.
Ang inspection ay bahagi ng paghahanda para sa gagawing malakihang rehabilitasyon na nakatakdang simulan ngayon taon na may initial cost estimate na P16 billion.
Inihayag ng Kongresista ang isyu sa kalagayan ng dalawang highways sa isang privilege speech noong Nov. 25, 2025, kung saan binanggit nito ang kondisyon ng mga ito.
Ang kanyang panawagan para sa agarang aksyon ay sinuportahan nang mahigit sa 40 miyembro ng Kamara na lumagda sa isang manifesto na humihikayat sa agaran at komprehensibong rehabilitation.
(Vina de Guzman)