• April 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, nais pa rin na ipagpatuloy ng ICI ang mandato nito- Malakanyang

NAIS pa rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpatuloy ng Independent Commission for Infrastructure ang trabaho nito kahit pa nagbitiw na sa tungkulin ang dalawang opisyal nito.
Ito ang inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang hingan ng komento sa sinabi ni ICI special adviser Rodolfo Azurin Jr. na plano nilang magpadala ng formal letter sa Office of the President para sa klaripikasyon at gabay kung ano na ang mangyayari sa komite.
”Sa ngayon wala pong anumang ipinag-uutos pa ang Pangulo kung hindi ipagpatuloy pa rin ang kanilang mandato, ipagpatuloy pa rin ang kanilang pag-iimbestiga at maging fact finding committee pa rin.
”So, kung sila po ay susulat sa Pangulo, hintayin po natin ang kanilang panawagan sa Pangulo para po masagot naman ito ng Pangulo,” dagdag na wika nito.
Sinabi pa ni Castro na nais ni Pangulong Marcos na magkaroon ng batas na lilikha ng isang independent commission, na titingin sa infrastructure projects.
Nauna rito, hinikayat ni Pangulong Marcos ang Kongreso na iprayoridad ang pagpapasa ng panukalang Independent People’s Commission (IPC) Act. Sinabi naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang nasabing panukalang batas ay maaaring aprubahan sa Senado sa Pebrero.
Layon ng panukalang batas na “establish a permanent, independent, and non-partisan commission that would investigate alleged anomalies and corruption in infrastructure projects at the national, local government unit, and government-owned and -controlled corporation levels.”
Samantala, nagbitiw naman sa kani-kanilang tungkulin sina Commissioners Rossana Fajardo at Rogelio ”Babes” Singson kapuwa mula sa ICI. Ayon kay Castro, wala pang impormasyon kung papalitan sina Fajardo at Singson.
Simula nang likhain ang ICI, sinabi ni chairperson Andres Reyes Jr. nakapaghain na ang ICI ng 8 referrals at mga kaso sa Ombudsman, hindi kasama rito ang joint referrals kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH). ( Daris Jose)