UCC COLLEGE OF LAW, NAKAKUHA NG 72.73 PERCENT PASSING RATE SA 2025 BAR EXAMINATIONS
- Published on January 12, 2026
- by @peoplesbalita
MULING nagmarka ang University of Caloocan City – College of Law (UCC-COL) sa Philippine Bar Examinations nang makamit nito ang 72.73 porsyentong passing rate sa 2025 Bar Exams, na mas mataas sa pambansang average na 48.98 porsyento.
Umabot sa 16 bagong abogado mula sa UCC-COL ang nakapasa ngayon, pinakamataas na bilang sa medyo batang kasaysayan nito bilang isang institusyon ng edukasyong legal at lalong nagpapatunay sa patuloy nitong mahusay na pagganap sa itinuturing na isa sa pinakamahirap na licensure exams sa bansa.
Binati ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga bagong abogado at itinuring ang kanilang tagumpay at ang mataas na passing rate ng UCC sa Bar Exams bilang isang ipinagmamalaki ng buong lungsod.
“Congratulations to our new UCCian lawyers! Pinasasalamatan at binabati rin natin ang buong UCC-COL sa pagkakamit ng 72.73% overall passing rate at sa inyong patuloy na paghubog sa mga mag-aaral upang maging mahuhusay na abogado,” ani Mayor Along.
“Sa ating mga bagong abogado, patunay kayo ng sipag, talino, at determinasyon ng Batang Kankaloo. Nawa’y gamitin ninyo ang inyong kaalaman at kakayahan sa pagseserbisyo nang tapat at may integridad para sa bayan,” dagdag niya. (Richard Mesa)