Pinakamahabang prusisyon na naitala sa kasaysayan… 4 dedo sa higit 30 oras na Traslacion
- Published on January 12, 2026
- by @peoplesbalita
APAT ang nasawi sa kasagsagan ng Traslacion na inabot ng higit 30 oras bago tuluyang nakabalik ang imahe ng Jesus Nazareno sa Minor Basilica sa Quiapo.
“We already have the number of casualties reported to us from the time that the andas arrived at Quiapo Church. We have a total of four casualties,” ani Father Robert Arellano, tagapagsalita ng Nazareno 2026.
Ayon kay Arellano, mas mataas ang bilang ng nasawi ngayong taon kumpara sa mga nakaraang Traslacion.
Sa pahayag ni Dr. Cynthia Versoza, chairperson ng Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) Emergency Medicine Complex, ang tatlo ay kabilang sa 23 pasyente na dinala sa kanila. Dead-on-arrival ang dalawa na kapwa nag-collapse at isa ay na-revive pa sa ospital subalit hindi nagtagal ay binawian din ng buhay, na atake rin sa puso ang dahilan.
Hindi pa malinaw kung kasama sa apat ang photojournalist na si Itoh Son na nasawi naman habang nagko-kober sa Quirino Grandstand.
Nabatid na tuluyang nakapasok sa gate ng Quiapo Church ang imahe ng Nazareno alas-10:50 ng umaga ng Enero 10 matapos ang 30 oras, 50 minuto at 1 segundong paglalakbay. Ito na ang pinakamahabang prusisyon na naitala sa kasaysayan ng Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Alas-4:00 ng madaling araw nang tumulak mula sa Quirino Grandstand ang prusisyon, na sinasabing pinakamaaga din kumpara sa mga naunang Traslacion.
Sa datos ng Quiapo Church, umabot sa 9,640,290 deboto ang lumahok sa tradisyunal na Traslacion ngayong 2026.
Noong 2025 Traslacion ay nagtala ng 8.1 milyon, na nagtagal ng 20 oras at 45 minuto.
Sinabi ng Simbahan na ang matagal na prusisyon ay sanhi ng aberya tulad ng pagkakaroon ng sira sa gulong ng andas at napatid na lubid na kinailangang palitan, bukod pa sa hindi napigilang mga deboto na nakaharang sa unahan at pagpupumilit na makasampa sa andas.
Bago alas-5 madaling araw, nagpasiya ang mga opisyal ng Simbahan na ipasok upang manatili pansamantala ang Poong Nazareno sa San Sebastian Church dahil sa sobrang pagod na ang mga health staff at mga pari.
Iginiit ng mga pari na bilang simbolo umano ng ika-10 anibersaryo ng “dungaw” sa nasabing simbahan, nais nilang umuwi muna kay Mama Mary ang Nazareno, subalit hindi ito nangyari nang pihitin ng mga deboto at Hijos ang paghila sa andas upang ituloy ang pagbabalik sa Quiapo Chruch.
Umabot naman sa 849 deboto ang binigyan ng medical attention simula Enero 8 hanggang alas-7:30 ng umaga ng Enero 10, ayon sa Philippine Red Cross.
May 19 na may mas malalang kalagayan ang kinailangang dalhin sa mga ospital.
Nakapagtala naman ang Quiapo Church ng 1,057 medical cases sa nasabing religious festivity.
May mga establisimyentong napinsala matapos sumabit ang andas sa pagdaan sa maliliit na kalye. ( Gene Adsuara)