• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Matapos silang ma-bash nang bonggang-bongga… GENE, never nagsalita sa tungkol sa isyu ng mag-amang DENNIS at CLAUDIA

NAGING malaking isyu noon ang pag-alma ni Dennis Padilla dahil sa kawalan niya ng papel bilang “father of the bride” at naging bisita lamang sa church wedding ng anak sa ex-wife na si Marjorie Barretto, na si Claudia Barretto at Basti Lorenzo noong April 2025.
For the first time, nagsalita na rin si Gene Padilla tungkol sa kontrobersiya nilang magkakapamilya.
May kinalaman ito sa pagsasalita at pagkampi niya sa kapatid na si Dennis sa umano’y naranasan nila at ng ina nilang si Catalina Dominguez na kawalan ng importansiya sa naturang kasal.
Na-bash si Dennis, ipinagtaggol ni Gene, kaya na-bash rin nang bongga si Gene.
Sa red carpet premiere at media conference ng pelikulang ‘Breaking The Silence’ ay tinanong namin si Gene tungkol dito, kung ano ang natutunan niya mula sa pangyayari.
“Dapat anong natutunan nila, hindi po ako,” sagot niya.
“Dahil unang-una, yung bashers, actually, that was the first time na nagkaroon ako ng ganoon karaming bashers dahil hindi naman ako sanay sa ganoon.
“Matagal na po yung alitan, yung mga salitaan, pero never po ako nakialam naman.
“Kung meron man pag-uusap, it’s between the family.
“Sa side ko, with my brother, pero hindi naman kami sumagot na after nung interbyu ng kabila kasi kapag sumagot pa kami, hindi po matatapos.
“At kami’y parehong part nila, part namin. Pareho lang maaapektuhan, so ang pinili namin, maging isang mabuting tao na lang.”
Ang interview ni Marjorie kay Ogie Diaz ang tinutukoy ni Gene na interbyu.
Pagpapatuloy ni Gene, “At sa tanda ko na po ito sa industriya at bilang tao po, napakahirap para sa akin at sa aking kapatid na gumawa ng kuwento, lalo ang kuwento ng kasinungalingan.
“Kaya dapat mag-move on na lang tayo at hindi tayo kilala ng trolls na sinasabi, bashers.
“Lahat po sila, yan po ang tsismoso at tsismosa ng social media. So hindi na po sila dapat patulan.
“Mabibigat po ang binitawan sa akin,” ang halos emosyunal na pahayag pa rin ni Gene, ‘binitawan sa akin na sana mamatay na ako, mamatay na kapatid ko, at mamatay na ang nanay ko.
“Wala po silang narinig sa akin. Wala po kayong narinig sa amin kaya ayoko po na nagpapa-interbyu.
“Natsambahan mo ako!
“Kasi naniniwala po ako na habang umeedad, habang tumatanda po tayo, it’s about time na lahat ng katampuhan, nakaaway niyo, nakagalit niyo, ito po ang tamang panahon po para mag-ipon na tayo ng kaibigan.
“Dahil sa edad namin na ito, napakaigsi na po ng oras namin.”
Kamusta naman ang relasyon niya sa kanyang mga pamangkin?
“Marami po akong mga pamangkin. Kung may mga pamangkin po na ayaw sa amin o sa akin, okay lang po.
“Basta sila, gusto ko pa rin sila. Ganoon po talaga ang buhay. So God bless na lang to each and everyone,” pahayag pa niya.
Samantala, tungkol sa mental health at bullying ang pelikulang ‘Breaking The Silence.’ Written and directed by Errol Ropero. Ang executive producers nito ay sina Ms. Ann Michelle Weber at Mr. Lawrence Weber under Gummy Entertainment Productions.

(ROMMEL L. GONZALES)