LTO NAGLABAS NG SCO SA 2 BUS COMPANIES KAUGNAY NG TILA NAGKAKARERA SA KALSADA ANG MGA DRIVER NITO
- Published on January 12, 2026
- by @peoplesbalita
NAGLABAS ng Show Cause Orders (SCO) ang Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, sa dalawang bus companies – ang JAC LINER INC. at DEL MONTE MOTOR WORKS INCORPORATED. Ang mga SCO ay batay sa magkahiwalay na pagsisiyasat ukol sa mga viral na video sa social media na nagpapakita sa mga nasabing bus na tila nagkakarera at walang ingat na nagmamaneho sa pampublikong kalsada, na nagdulot ng panganib sa kaligtasan ng ibang mga motorista.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, ipinakita sa video na ang mga bus ng JAC Liner Bus at DEL MONTE MOTOR WORKS Inc. ay palipat-lipat ng linya habang nagbibiyahe at tila nagkakarera sa isa’t isa ang mga bus drivers nang hindi nagbibigay ng tamang senyas sa ibang motorista.
Binigyang-diin ni Asec Lacanilao na ang kaligtasan ng mga mamamayan sa mga kalsada ay ang unang prayoridad. “Hindi tayo papayag na magkaroon ng anumang uri ng pagmamaneho na nagbabanta sa buhay at kaligtasan ng ating mga kababayan. Ang mga kompanyang nagpapatakbo ng pampublikong sasakyan ay may malaking pananagutan na tiyakin na ang kanilang mga drayber ay may sapat na kakayahan, disiplina, at paggalang sa mga batas trapiko,” ani Asec Lacanilao.
Idinagdag pa ni Asec Lacanilao na sa kabila ng maraming Show Cause Orders na inilabas ng LTO sa nakaraang mga buwan, patuloy pa rin ang pagkalat ng walang disiplina ng mga driver, lalo na sa mga pampublikong sasakyan. Ang mga insidente tulad ng reckless driving, pagkarera sa kalsada. kawalan ng tamang senyas, at paglabag sa mga batas trapiko ay patuloy na nagdudulot hindi lamang ng panganib sa mga pasahero kundi pati na rin sa lahat ng gumagamit ng kalsada.
Ayon sa SCO, iniimbitihan ang drivers ng parehong bus companies na sangkot sa insidente na umatend ng hearing Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa East Avenue, Quezon City ngayong ika-16 ng Enero 2026 (Biyernes), alas-1 ng hapon. Kailangan nilang magsumite ng sinumpaang o napatunayang paliwanag kasama ang mga kaukulang orihinal na dokumento para tugunan kung bakit hindi dapat patawan ang mga nakarehistrong may-ari ng administratibong kaso sa pagkuha ng drayber at panagutin sila sa walang ingat na pagmamaneho at kung bakit hindi dapat suspendihin ang kanilang mga lisensya dahil sa hindi angkop na pagmamaneho ng sasakyan.
Samantala, ang dalawang bus ay ilalagay sa ilaim ng alarm status at ang mga lisensya ng driver ay preventively suspended sa loob ng siyamnapung (90) araw na suspensyon habang patuloy ang imbestigasyon. Sila ay inaatasan din na isuko agad ang lisensya ng mga driver pagkatanggap ng Show Cause Order.
Pinapaalala ng LTO na ang kabiguang humarap at magsumite ng kinakailangang verified or sinumpaang paliwanag ng mga drivers at may-ari ng mga bus ay ituturing na kusang pagtalikod sa karapatang marinig ang kanilang panig, at ang kaso ay dedesisyunan batay sa mga ebidensyang nasa rekord ng ahensya.
(PAUL JOHN REYES)