• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa kasagsagan ng coverage ng Traslacion… NPC NAGPAABOT NG PAKIKIRAMAY SA PAGPANAW NG PHOTOJOURNALIST

NAGPAABOT ng pakikiramay ang
National Press Club (NPC) sa biglaang pagpanaw ng Photojournalist na si Itoh Son sa kasagsagan ng kanyang coverage ng Traslascion 2026 sa Maynila Enero 9 ng umaga.

Nais ng NPC, sa pamumuno ni NPC President Leonel “Boying” Abasola na ipaabot ang pakikiramay sa pamilya, kaibigan, at mga kasamahan ni Itoh Son, at isang photojournalist sa pahayagang Saksi.

Ayon sa mga kasamahan ni Son, nakakaramdam ito nang hindi magandang pakiramdam habang siya ay nag-cover ng Pahalik sa Poong Nazareno ngunit ito ay hindi niya ininda tanda ng kanyang dedikasyon sa trabaho at debosyon sa kanyang trabaho bilang isang “photo-journalist.”

Ipinakita in Itoh Son na kahit masama ang kanyang karamdaman ay kailangan niyang gawin ang trabaho na isang katunayan ng kanyang pagmamahal sa trabaho at pagnanais na maipaabot ang mga kaganapan sa publiko.

Ito ay hindi matatawarang serbisyo bilang isang photojournalist na hindi alintana ang pansariling kalusugan magampanan lamang ang kanyang tungkulin sa pinaglilingkurang pahayagan at sa publiko.

Ang NPC sa gitna ng malungkot na pangyayaring ito ay nananawagan sa ating mga kapatid sa hanapbuhay na bigyang pahalaga ang kanilang kalusugan upang mas lalo nating magampanan ng buong husay ang ating mga tungkulin sa publiko at sa ating pamilya. (Gene Adsuara)