• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Matapos ang sunog sa QC: PBBM, nangako ng bagong SFHS classrooms sa susunod na school year

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga estudyante at guro ng San Francisco High School (SFHS) sa Quezon City, na tinupok ng apoy noong June 2025, na itatayo ang mga bagong silid-aralan bago ang pagbubukas ng School Year (SY) 2026-2027 sa Hunyo.
Sa halip na inisyal na mangako ng 12 silid-aralan, sinabi ni Pangulong Marcos na tinatrabaho na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na makumpleto ang 36 na silid-aralan.
“We have asked SM [Supermalls] to also build 24 classrooms, so this is the construction for the new classroom that will be done by public works for the DepEd [Department of Education],” ayon kay Pangulong Marcos sa isang brief statement kasunod ng ag-inspeksyo sa eskuwelahan.
“Its schedule will be completed by the beginning of next school year. It can be used in June,” aniya pa rin.
Maliban sa pagbisita, pinangasiwaan ng Pangulo ang rehistrasyon ng mga estudyante, mga magulang at guro sa Philippine Health Insurance Corporation’s Yaman ng Kalusugan Program, na nag-alok ng libreng medical consultation, laboratory tests, cancer screening, at medisina sa mga benepisaryo nito.
Naganap ang sunog noong Hunyo 15 bandang 10:45 ng umaga at tuluyang nasunog ang Dao Building, isang Imelda-type structure na itinayo noong 1985.
Sampung silid-aralan ang naapektuhan. Tinatayang ₱3 milyon ang halaga ng pinsala na nakaapekto sa humigit- kumulang 720 estudyante ng junior high school.
Kabilang sa mga nasira ay mga armchair, mesa ng guro, bentilador, ilaw, computer set ng Panitikan Club, at halos 150 bundle ng mga learning material. ( Daris Jose)