MINISTERIAL NA PAGPAPATUPAD SA NA APRUBAHANG RETIREMENT, PROMOTIONS, AT AWARDS, HINIHINTAY NG DATING PNP OFFICIAL
- Published on January 12, 2026
- by @peoplesbalita
KASALUKUYANG naghihintay ang isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ng pagkumpleto ng mga purong ministerial na aksyon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), kasunod ng pinal at naaprubahang retirement, special promotions, mga parangal, at kaugnay na claims.
Batay sa mga opisyal na rekord, ang Decision at Order na may petsang Disyembre 9, 2022, na inilabas sa panahon ng panunungkulan ni dating DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., na nag-aapruba sa kaso ni Police Director General Roger Castañeda Dy Jr., ay matagal nang final at executory.
Saklaw ng nasabing Decision, Order, at Directives ang pag-update ng service records, pagpapatibay ng mga naunang naaprubahang special promotions at Medals of Valor, at ang pagproseso ng mga kaukulang benepisyo at retirement entitlements.
Ayon sa mga rekord, ang lahat ng substantive na isyu at merito ng kaso ay ganap nang nalutas, at ang mga kinakailangang endorsements at supporting documents ay nakumpleto, napatunayan, at nasuri sa pamamagitan ng iba’t ibang mekanismo ng oversight at review.
Ang mga dokumentong ito ay opisyal na naisumite, nairehistro, at naitala (officially received and logged) sa mga tanggapan at ahensiyang may kinalaman sa pagproseso at implementasyon ng nasabing desisyon.
Bukod dito, ang mga kinakailangang sinumpaang salaysay (affidavits)—kabilang ang mga affidavits ng mga pangunahing saksi at ang sariling affidavit ng opisyal—ay naisumite na rin alinsunod sa mga itinakdang procedural at documentary requirements ng mga kinauukulang tanggapan.
Ang nananatiling hindi pa nailalabas ay ang mga purong ministerial na aksyon sa antas ng DILG, partikular ang paglalabas ng Certified True Copy (CTC), adoption o implementing directives, at opisyal na transmittal na kinakailangan para sa ganap na pagpapatupad ng desisyon ng mga implementing agencies.
Ipinapakita rin ng mga rekord na wala nang anumang legal, administratibo, audit-related, integrity-related, o human-rights-related na balakid sa implementasyon ng naaprubahang desisyon.
Ayon sa mga dokumentong nasa rekord, malinis ang pangalan ng naturang opisyal at wala itong anumang nakabinbing kaso o usapin, kaya’t inaasahan na ang natitirang ministerial na hakbang ay maipatutupad na sa lalong madaling panahon.
(PAUL JOHN REYES)