Nakabalik sa Batanes after 8 years at tinupad ang pangako… Direk DARRYL, umaming naging dishonest sa ‘Honesty Store’ dahil sa gutom
- Published on January 7, 2026
- by @peoplesbalita
“Oo, Naging Dishonest ako sa Honesty Store,” ito ang simula ng Facebook ng controversial director na si Darryl Yap nag-celebrate ng kanyang 39th birthday (Jan. 7).
Pagpapatuloy niya, “kung kakilala nyo talaga ako, or nakasama nang matagal—
I’m sure alam nyo na ang Kwentong-Batanes ko;
“Noong 2018, nanalo ang team ko sa CLTV Sine Gitnang Luzon Originals Shortfilm Festival sa Pampanga, binigyan kami ng Award ng Philippine Airline, at kasama sa premyo ay ang Trip to Batanes.
“2018– sobrang broken ako, Broken-hearted na, Broke pa. Wala kaming kapera-pera.
Dahil mapapaso na ang premyo—pumunta na kami., akala namin dahil probinsya—mura lang. hindi pala.
“Sa totoo lang, nung panahon na yan may suicidal tendencies ako, kasi yung 7 year relationship ko natapos at andaming atraso ng group ko dahil naapektuhan lahat.”
Kuwento pa ni Direk Darryl, “pagdating sa Batanes, akala ko mai-inspire ako—kaso sakto— black lahat ng hills, sakto raw na nagsusunog at naglilinis lahat; lalo akong na-depress.
“Pero nung sinabi nung tricycle driver na ganun talaga para makapagsimula ulit—
nakaramdam ako ng pag-asa.
“Natulog kami sa bedspace na halagang 180 isa at nagtiis sa mga tinapay at isang meal ng silog.”
Rebelasyon pa niya, “bago umalis sa Island, pumunta kami sa sikat na Honesty Store—yung natitirang pera namin ay sakto na lang pampamasahe at environmental fee.
“Binilhan ako ni Arel Ebana ng fita at nag-share kami sa isang softdrinks; inihulog nya ang bayad namin sa isang garapon.
“Sabi ko kay Arel, nagugutom pa ko, di na kami nag-dinner at nagtatangahalian.
sabi nya, tiisin ko na lang daw.
“Hindi ako nakinig. Sabi ko kukuha ako ng Hansel at Mt. Dew.
“Hindi ko binayaran. hindi alam ni Arel ang gagawin nya, Ako—naman kunwari hustler.”
Dagdag kuwento pa niya, “pagkatapos noon, nagyaya siyang magsimba kami sa katapat na na St. Joseph of Ivana Church.
“Doon, Nagsabi ako kay Lord, na di ako naging Honest sa Honesty Store—sabi ko kay Lord: “Lord, gawin mo naman akong mayaman, ayaw ko namang kunin yun kaso gutom na gutom ako—promise ko Lord, pag ginawa mo akong mayaman, di ako magiging madamot; Babalik ako rito ay babayaran ko yun ng mahigit pa sa 100x.”
“Pagkatapos nun. nagviral na ang VinCentiments, pumirma na ako sa VIVA Films—mula 2019, nung nagbox-office yung #Jowable, nagkaNetflix ako, nagkapandemic, ni-launch ko ang Vivamax, nagtagumpay ang #MaidinMalacañang—taun-taon, gusto kong bumalik pero hindi ko talaga maisingit.”
And this year nga natupad ang pangako niya sa Diyos…
“Pero ngayong 2026, 8 years after—nakabalik ako.
“Tinupad ko ang Promise ko kay Lord, hindi lang dahil tinupad nya ang dasal ko;
kundi dahil yun ang tamang gawin.”
Pagtatapos pa ni Direk Darryl, “bumalik rin ako sa Simbahan—nagpasalamat at muling nagdasal sabi ko “Lord, ngayon naman po, gawin mo naman akong masaya.”
Marami naman ang natuwa at na-touch sa kanyang birthday post, at nagwi-wish na matupad ang kanyang ipinagdasal.
(ROHN ROMULO)