• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOH, hindi naaalarma sa ‘super flu’ subalit pinag-iingat ang mga Pinoy na bumiyahe sa ibang bansa

SINABI ng Department of Health (DOH) na hindi ito naaalarma sa lumabas na report ukol sa “super flu” na malaganap sa ibang bansa subalit pinayuhan ang mga Pinoy na bumibyahe sa ibang bansa na mag-ingat kabilang na ang magpabakuna.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa na natuklasan ng Pilipinas na may 17 kaso ng flu variant noong nakaraang taon, subalit gumaling naman ang lahat ng pasyente.
“We’ve actually detected about July, August, about 17 cases that were determined to be of the new subclass of the super flu. All of them have recovered,” ayon kay Herbosa sa press briefing sa Malakanyang.
Aniya, nananatiling seasonal ang influenza at generally self-limiting illness, maliban sa hanay ng high-risk individuals, gaya ng mga matatanda at iyong mayroong medical conditions.
“Flu is a seasonal infectious disease,” aniya pa rin sabay sabing ang malalang kaso ay ‘more common’ sa mga immunocompromised.
Ipinaliwanag naman ni Herbosa na ang flu outbreaks sa Estados Unidos at United Kingdom ay mas lumala dahil sa winter conditions.
“Matindi, malamig na malamig kasi doon ngayon,” ayon sa Kalihim sabay sabing ang mas malamig na klima ay nakapag-contribute sa mas mataas na transmission at mas seryosong kaso.
Sa Pilipinas, ang flu season ay kadalasang nangyayari tuwing panahon ng tag-ulan.
“Our flu season actually is during the rainy season,” ang sinabi pa rin ni Herbosa.
Patuloy namang inirerekomenda ng DOH ang flu vaccination, lalo na sa high-risk groups, gamit ang Southern Hemisphere influenza vaccine, na sinasabing kabilang ang proteksyon laban sa nagpapalipat-lipat na influenza A strains.
“As long as makapagpa-vaccinate iyong high-risk,” ang sinabi ni Herbosa.
Samantala, natukoy lamang ng DOH ang 17 kaso matapos repasuhin ang disease surveillance data kasunod ng anunsyo mula sa ibang bansa.
“When that was announced by the US, we found out that in our surveillance lumalabas na pala iyon,” anito sabay sabing natuklasan ang mga kaso sa Metro Manila.
At nang tanungin kung nakaaalarma ang sitwasyon, sinabi ni Herbosa na hindi subalit nagbabala sa mga Pinoy na babyahe sa malalamig na bansa.
“Not alarming, but there is a new variant out there,” ani Herbosa sabay sabing “If you’re going to North America or the UK, maybe get the Northern Hemisphere vaccine.”
Ipagpapatuloy naman ng DOH ang pagmo-monitor sa influenza trends sa pamamagitan ng surveillance systems nito, bilang bahagi ng routine public health preparedness. ( Daris Jose)