Mga sundalo, hinikayat na maging bahagi ng mga nagbabantay sa kaban ng bayan… PBBM, pinangunahan ang panunumpa ng 37 mga bagong promote na heneral at Flag Officers ng AFP
- Published on January 7, 2026
- by @peoplesbalita
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos jr ang panunumpa ng 37 mga bagong promote na heneral at Flag Officers ng AFP.
Sa naging talumpati ng Punong Ehekutibo, sinabi nitong ang promosyon ng mga heneral ng AFP at ng Philippine Navy ay repleksiyon hindi lamang ng kanilang kakayahang manguna kundi kumpiyansa din sa kanilang pagpapasiya sa harap ng pressure at kawalang katiyakan.
At sa gitna aniya ng nakuhang promosyon, binigyang diin rin ng Pangulo na ang halaga ng isang tunay na pinuno ay nasusukat sa tamang asal at magandang halimbawa na kanyang ipinapakita at hindi sa taas ng kanyang ranggo.
Kasunod naman ng nalagdaang pambansang budget kamakalawa ay hinikayat ng Punong Ehekutibo ang mga sundalo na magkaroon ng partisipasyon sa pagbabantay sa kaban ng bayan.
Sinabi ni Pangulong Marcos na inaasahan ang kasundaluhan na maging mapagkakatiwalaang tagapangasiwa na nagbabantay sa yaman ng bayan at dapat na makabilang sa mga nagsisiguro na ang bawat piso ay mapupunta sa dapat nitong puntahan ng may integridad at makadagdag pa sa kakayahan at kahandaan ng Hukbong Sandatahan. (Daris Jose)