Halos P.3M droga, nasamsam sa tulak sa Valenzuela
- Published on January 7, 2026
- by @peoplesbalita
NASAMSAM sa isang bagong identified drug pusher ang halos P.3 milyong halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, Linggo ng madaling araw.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Don Don”, 50, ng Brgy., 162, Sta Quiteria, Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Talento dakong alas-3:40 ng madaling araw nang maaresto ang suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil sa A. Bernardino St., Brgy. Ugong.
Ayon kay Lt. Dascil, unang nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni ‘Don Don’ na dumadayo pa umano sa Valenzuela para magbenta ng droga kaya ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Isa sa kanyang mga tauhan na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek at nang tanggapin nito ang marked money mula sa pulis kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga tauhan ni Lt. Dascil.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 43 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P292,400.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, P150 cash at ang gamit nitong motosiklo.
Ani SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)