Pag-alis sa mga mambabatas ng pagbibigay ng medical assistance, magbibigay panganib sa mga pasyente at magpapalawak sa gaps sa health care access
- Published on January 5, 2026
- by @peoplesbalita
NAGBABALA ang Bagong Henerasyon (BH) Party-list na ang pag-alis sa mga mambabatas nang pagbibigay ng medical assistance nang hindi inaayos ang sistema sa mga private hospitals ay magbibigay panganib sa mga pasyente at magpapalawak sa gaps sa health care access.
Sinabi ni dating Former BH Party-list Rep. Bernadette Herrera na ang tunay na krisis ay sa mga private hospitals, kung saan kinakaharap ng pasyente ang malaking bayarin ng walang social services office, Malasakit-type center, o malinaw na guidance kung papaano i- access ang government aid.
“In government hospitals, may social services at may sistema. Sa private hospitals, billing section lang ang kausap ng pasyente. Kapag wala kang gabay, lalo kang lulubog,” ani Herrera.
Ayon kay Herrera, isinusulong ng BH ang pagkakaroon ng social service units o Malasakit-style centers sa private hospitals, partikular sa usapin ng paglalaan ng public funds sa kanila.
Nang walang trained social workers, idinagdag nito na napupuwersa ang pasyente na magdesisyon ng walang suporta.
Nilinaw naman ni Herrera na hindi nito dinedepensahan ang patronage politics at pamamahagi ng medical assistance ng mga mambabatas.
Ngunit, inihayag nito na ang pag-alis agad nito ng walang alternatibo ay hindi makakatulong sa pasyente.
”Ayaw din namin sa patronage politics. Hindi rin naman talaga patas ang distribution. Pero mas mabuti na ‘yun kaysa wala kang maitulong sa tao,” ani Herrera.
Iginiit nito na nagiging last resort ang paghingi ng tulong sa mga kongresista dala na rin sa pagiging accessible nito at makakatulong sa koneksyon sa available programs.
(Vina de Guzman)