Chavit may pasabog sa flood control scam
- Published on December 30, 2025
- by @peoplesbalita
IGINIIT ni Singson na hindi lamang ang mga kontratista at engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dapat managot kundi ang mismong mastermind sa korapsyon sa flood control projects.
Aminado naman si Singson masama at masakit ang isyu sa flood control scandal matapos mabunyag ang sabwatan at garapalang korapsyon bagaman hindi pa aniya nasasapul ang mastermind.
Una nang lumutang sa imbestigasyon ng Senado at Kamara na ilang mga Kongresista umano at Senador ang nagkakamal ng kickbacks sa flood control projects kung saan nagkakaroon ng pagsisingit ng alokasyon sa national budget na naging masamang kalakaran sa loob ng mga nakalipas na taon.
“Masama talaga ang nangyayari sa ating bansa, ang nadedemanda yung nagamit nila, okey lang kasuhan nila pero yung gumawa, yung mastermind yun ang dapat hanapin,” ani Singson.
Sinabi nito na halimbawa na lamang aniya ang mag-asawang kontraktor na sina Pacifico “Curlee” Discaya at Czesarah “Sarah” Discaya kung saan sa loob ng 3 taon ay nakakuha ng P34 bilyong proyekto pero ang mga ito ang nakasuhan kung saan nakulong pa si Sarah gayong ang mastermind na nagkamal sa korapsyon ay patuloy na nakakalaya.
Idinagdag pa ni Singson na hindi umano maganda ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kung saan nag-iisa na lamang dito si Chairman Andres Reyes.
“Sa awa ng Diyos mahuhuli rin yang mastermind, I’m dead sure marami na katibayan, i-explain ko lahat sa Bagong taon, para maliwanagan lahat,” ani Singson na sinabing iba ang kaniyang pasabog sa 2026. (Daris Jose)