LTO, HATAW ANG SERBISYO GAMIT ANG AI-POWERED MOBILE COMMAND CENTER PARA SA MAS LIGTAS NA BIYAHE NGAYONG PASKO AT BAGONG TAON
- Published on December 30, 2025
- by @peoplesbalita
TULOY-TULOY ang mas pinaigting na serbisyo ng Land Transportation Office (LTO) sa publiko sa pamamagitan ng pagtatalaga ng isa pang makabagong AI (artificial intelligence) – powered LTO Mobile Command Center sa North Luzon Expressway (NLEX) sa Bocaue, Bulacan.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, “Layunin nitong umagapay sa mga motorista at biyaherong patungo sa mga lalawigan ng Central at Northern Luzon sa kasagsagan ng Kapaskuhan at pagdiriwang ng Bagong Taon”.
Idinagdag ni Asec. Lacanilao, na “tuloy-tuloy ang deployment ng mga LTO enforcer at makabagong pasilidad sa mga pangunahing lansangang palabas at papasok ng Metro Manila tulad ng NLEX at SLEX upang matiyak ang maayos at ligtas na paglalakbay ng publiko kahit sa panahon ng holiday season”.
Ipinaliwanag ng LTO Chief na mahalaga ang paggamit ng AI-powered Mobile Command Center na may kakayahang magsuri ng mga dumaraang sasakyan sa pamamagitan ng mga modernong CCTV.
Kabilang sa mabilis na natutukoy ng sistema ang: (1) kung ang sasakyan ay maayos at rehistrado sa LTO; (2) kung may aktibong alarma, gaya ng ulat ng nakaw na sasakyan o pagkakasangkot sa krimen; at (3) kung may hindi awtorisado o iligal na pagbabago sa panlabas na anyo ng sasakyan.
Nauna nang naitalaga ang isa pang LTO Mobile Command Center sa SLEX na nagsisilbing karugtong ng Central Command Center na matatagpuan sa LTO Central Office sa Quezon City.
Sa tulong ng makabagong teknolohiyang ito, mas mabilis na natutukoy ang mga insidente sa kalsada gaya ng road crash at road rage, at agad na naipaaabot ang impormasyon sa mga kinauukulang yunit ng LTO upang makapagpatupad ng agarang aksiyon.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, muling pinagtitibay ng LTO ang pangako nito sa kaligtasan, kaayusan, at maayos na daloy ng trapiko upang matiyak ang ligtas at payapang paglalakbay ng publiko ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon. (PAUL JOHN REYES)