• December 1, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: December 1, 2025
    Current time: December 1, 2025 9:15 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, PINURI NG MGA SENADOR SA MAHUSAY NA PROGRAMA SA PABAHAY

UMANI ng papuri mula sa mga senador sa Senate Plenary Session No. 29 ang National Housing Authority (NHA), sa pangunguna ni General Manager Joeben A. Tai, para sa epektibong mga programa sa pabahay ng ahensya.

Sa pagdinig, kinilala ng mga senador ang mahahalagang hakbang ng NHA sa pagpapatupad ng epektibong mga programang pabahay sa buong bansa.

Partikular na pinasalamatan ni Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri ang NHA sa malaking kontribusyon nito sa kanyang rehiyon.

“Ayaw nila ng high-rise doon, gusto nila ng single-detached kasi magtatanim ng malunggay at ng anuman. And actually, we are very successful that the NHA has three major projects in Bukidnon, and we are thankful for that,” ayon sa senador.

Kabilang sa mga proyektong binanggit ni Zubiri ang Golden Harvest Village at NHA-Don Carlos Village Phase 1 at 2.

Samantala, sina Senador Win Gatchalian, Risa Hontiveros, at JV Ejercito ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagpapatibay sa mga proseso at programa ng NHA para tugunan ang pangangailangan ng mga informal settler families (ISFs) at mga pamilyang maaapektuhan ng malalaking infrastructure projects.

Binigyang-pansin ni Sen. Gatchalian ang kahalagahan ng maayos at sustenableng relocation sites, lalo na sa mga proyektong konektado sa DOTr corridors. Ipinanawagan naman ni Sen. Hontiveros ang mas malinaw na land assembly frameworks at masinsinang koordinasyon sa ilalim ng NHA-DOTr Memorandum of Agreement upang matiyak ang in-city at near city resettlement options. Idinagdag naman ni Sen. Ejercito ang hamon sa fiscal space at production capacity kasabay ng lumalaking pangangailangan sa pabahay, kaya’t hinikayat niya ang patuloy na pagpapahusay sa implementasyon ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program at iba pang subsidy mechanisms.

Ipinakita ng magkakaugnay na pahayag ng mga mambabatas ang matibay na suporta ng lehislatura sa layunin ng NHA na maghatid ng ligtas, abot-kaya, at sustenableng mga komunidad.

Bilang tugon, nagpahayag si GM Tai ng taos-pusong pasasalamat sa Senado sa patuloy nitong pagtitiwala sa NHA. “Taos-puso po ang aking pasasalamat sa ating mahal na mga senador sa kanilang buong tiwala at suporta, partikular po sa pag-apruba sa inihain nating pondo para sa kapakinabangan ng nakararaming pamilyang Pilipino,” pahayag ni GM Tai habang pinagtitibay ang pangako ng NHA sa makatao, komportable, at ligtas na mga inisyatiba sa pabahay.

Binigyang-diin din ni GM Tai na nananatiling nakaangkla ang gawain ng NHA sa pagsasakatuparan ng administrasyong ito na isang Bagong Pilipinas. “Sama-sama po nating itaguyod ang mas marami pang ligtas at makataong komunidad sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program, at sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos, Jr.” (PAUL JOHN REYES)