• December 1, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: December 1, 2025
    Current time: December 1, 2025 9:49 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM nakatutok sa ikinasang kilos protesta, tiniyak mananagot ang mga ‘big fish’ sa flood control scam

NAKATUTOK si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ikinasang kilos protesta kahapon, Linggo, Nov. 30.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez na binabantayan ni Pangulong Marcos ang mga rally kaugnay sa flood control anomaly.

Dagdag pa ni Gomez determinado ang Pangulo na papanagutin ang mga nasa likod ng anomalya.

Sinabi ni Gomez, iginagalang ng administrasyon ang karapatan ng publiko na magprotesta, basta’t mapayapa ang mga pagtitipon.

May mga rally sa Luneta, Mendiola, at People’s Monument sa EDSA na nananawagan ng pananagutan sa mga iregular na proyekto.

Binigyang-diin ni Gomez na hindi maaapektuhan ang Pangulo sa panawagang magbitiw sa puwesto.

Hindi matitinag ang Pangulo lalo at siya mismo ang nagbulgar ng anomalya sa flood control.

Kinilala rin ng Palasyo ang lumalaking galit ng publiko, ngunit tiniyak na seryoso at maingat na tinatrabaho ng pamahalaan ang kaso.

Ipinunto ni Gomez na tatlong buwan pa lamang mula nang ibunyag ng Pangulo ang isyu ay marami nang nakasuhan, may nakulong na, at inaasahang mas marami pang “big fish” ang makukulong bago mag-Pasko.

Dagdag niya, mahalaga ang matibay na ebidensya upang matiyak na mananagot ang mga sangkot at mabawi ang nakaw na pondo.

Tumanggi naman ang Palasyo na patulan ang mga pahayag ng dating kongresista Zaldy Co, at iginiit na dapat umuwi ang dating mambabatas upang harapin ang kanyang arrest warrant. (Daris Jose)