Pondo ng MTRCB sa 2026, inaprubahan ng Senado
- Published on November 29, 2025
- by @peoplesbalita
INAPRUBAHAN ng Senado ng Pilipinas, sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ang panukalang pondo ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa 2026, nitong Lunes, Nobyembre 24.
Nagpasalamat si MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto sa Senado sa patuloy nitong suporta sa layunin ng Ahensiya na protektahan ang mga manonood at itaguyod ang kapakanan ng industriya ng pelikula at telebisyon sa bansa.
“Sa ngalan ng Board, nagpapasalamat ako sa Senado para sa kanilang pagsuporta at tiwala sa aming ginagawa. Patunay ang pag-aprubang ito sa aming pangako na protektahan ang mga manonood, lalo na ang mga batang Pilipino, at itaguyod ang responsableng panonood, at patuloy na palakasin ang industriya ng pelikula at telebisyon,” sabi ni Sotto.
“Mananatili kaming tapat sa paglilingkod sa publiko nang may integridad, pananagutan at mataas na antas ng responsibilidad,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat din ang Board kay Sen. Jinggoy Estrada na nag-isponsor ng badyet sa plenaryo ng Senado.
Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ni Estrada ang kahalagahan ng sapat na suporta sa mga programa ng Ahensiya.
“This will enhance the work productivity of the employees and allow the Agency to fulfill its mandate to the public,” sabi ni Estrada.
Wala nang tanong at interpelasyon matapos ang presentasyon ni Estrada—patunay ng lubos na tiwala sa direksiyon, pamunuan at mga reporma sa MTRCB.
Dahil walang tumutol sa plenaryo, nasa pinal na konsiderasyon na ng Senado ang inihaing badyet.
Nakapaloob sa badyet ang mga pangunahing programa ng MTRCB, kabilang ang “Responsableng Panonood,” pagpapalakas ng monitoring systems at pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder ng industriya, mga lokal na pamahalaan, paaralan at mga organisasyong pangkomunidad.
Sa kabila ng kakulangan sa tao at kagamitan, nakapagribyu ang Board ng kabuuang 267,090 na materyales noong 2024, at halos 150,000 materyales mula Enero hanggang Oktubre 2025.
Ipinapakita ng mga numerong ito ang dedikasyon ng Board na mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang mga materyal sa gitna ng mabilis na paglawak ng media landscape.
“Sa suporta ng Senado at ng Kamara, handa kaming palakasin pa ang aming mandato at ipagpatuloy ang adbokasiya para sa responsableng panonood,” sabi ni Sotto.
(ROHN ROMULO)