• October 21, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 22, 2025
    Current time: October 22, 2025 4:52 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Operasyon ng ABS-CBN, tuloy kahit mapaso ang prangkisa – NTC

Binigyang katiyakan ng National Telecommunications Commission (NTC) na makakapag-operate ang TV Giant ABS-CBN kahit pa man mapaso na sa Mayo 4, 2020 ang kanilang legislatve franchise.

 

Ang pagtiyak ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba sa mga mambabatas sa isinagawang pulong ng House Committee on Legislative Franchises kung saan inilatag ang magiging ground rules sa pagdinig ng mga petisyon para sa ABS-CBN legislatve franchise renewal.

 

“The NTC will follow the latest advice of the DOJ and let ABS-CBN continue operations based on equity. We will likely issue a provisional authority to the broadcast company,” ayon kay Cordoba.

 

Aniya, humingi sila ng opinyon sa Department of Justice (DOJ) patungkol sa pagbibigay ng provisional authority sa ABS-CBN at naging positibo ang sagot dito ng ahensya.

 

“Based on the foregoing discussion, there is sufficient equitable basis to allow broadcast entities to continue operating while the bills for the renewal of their respective franchise remain pending with Congress,” paliwanag ni Cordoba sa naging desisyon ng Department of Justice (DoJ).

 

Tumanggi naman si Cordoba na talakayin ang ilang legal matters dahil sa umiiral na sub-judice rule bunsod ng nakatakdang pagtalakay ng Korte Suprema sa quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor Genera.

 

Sa naging pulong ng komite ay napagdesisyunan naman na mayroon hanggang Abril 15, 2020 ang mga mambabatas na magsumite ng kanilang position papers kung ito ay pabor o tutol sa franchise renewal ng ABS-CBN.

 

Bagama’t wala pang itinakdang petsa para sa susunod na pagdinig, una nang sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na maaaring sa darating na buwan ng Mayo na ito isasagawa.

 

Kahapon (Martes) ang huling sesyon ng Kongreso para sa kanilang Lenten break at sila’y magbabalik sesyon sa Mayo 4. (Ara Romero)