LTO, NAGLABAS NG SCO SA OWNER NG DUMP TRUCK NA SANGKOT SA ROAD CRASH, 3 PATAY 4 SUGATAN
- Published on November 27, 2025
- by @peoplesbalita
NAGLABAS ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari ng isang Isuzu dump truck na nasangkot sa malagim na salpukan kahapon Nobyembre 25, 2025 sa Sumulong Highway, Brgy. Dela Paz, Antipolo City, Rizal.
Batay sa Spot Report ng Antipolo City Police, nawalan umano ng preno ang dump truck na minamaneho ng isang Daniel Jose M. Aballa, na naging sanhi upang mabangga nito ang hulihang bahagi ng isa pang dump truck.
Dahil sa tindi ng impact, tumulak pa pasulong ang dalawang dump truck at bumangga sa lima pang sasakyan. Lahat ng sasakyan ay nagtamo ng pinsala, at ilang drayber ang agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital. Tatlong driver, kabilang ang mismong nagmamaneho ng dump truck ay idinineklarang Dead on Arrival (DOA) sa ospital.
Kaugnay nito, inatasan ni LTO chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang Intelligence and Investigation Division (IID) na ipatawag si Ms. Cristina Alcazar de Castro, ang rehistradong may-ari, o ang kaniyang kinatawan, at isang kaanak o kinatawan ng nasawing drayber na humarap sa isasagawang imbestigasyon sa LTO Central Office, East Avenue, Quezon City sa Nobyembre 28, 2025.
Sila ay kinakailangang magsumite ng verified/sworn comment o paliwanag kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa kasong administratibo na may kinalaman sa pagpapatakbo ng sasakyan na may depektibo o hindi awtorisadong accessories, devices, equipment o parts.
Pinagsusumite din ng Motor Vehicle Inspection Report (MVIR) si Ms. de Castro, upang patunayan ang roadworthiness ng sasakyan.
Inatasan din ang kaanak o kinatawan ng yumaong si Mr. Aballa na isuko ang kanyang lisensya para sa safekeeping hanggang sa tuluyang maresolba ang kaso. (PAUL JOHN REYES)