KONSEHO NG LUNGSOD NG MAYNILA, KINILALA BILANG OUTSTANDING LOCAL LEGISLATIVE AWARDEE; VICE MAYOR ATIENZA, NANAWAGAN NG PATULOY NA KAHUSAYAN SA PAGLILINGKOD
- Published on November 22, 2025
- by @peoplesbalita
PINANGUNAHAN ni Vice Mayor Chi Atienza ang 13th City Council sa pagpapahayag ng pasasalamat nitong Huwebes, Nobyembre 20, matapos tanggapin ng lungsod ang parangal na Outstanding Local Legislative Awardee mula sa Department of the Interior and Local Government – National Capital Region (DILG-NCR).
Inaprubahan sa unang pagbasa ang Draft Resolution No. 9305 na inakda ni Konsehal Elmer “Joel” Par, na kumikilala sa parangal ng DILG bilang patunay ng kahusayan ng Sangguniang Panlungsod sa paggawa ng mga lokal na batas na nagsisilbing haligi ng mahusay na pamamahala.
Ayon kay Konsehal Par, ang pagkilalang ito ay hindi lamang para sa mga halal na opisyal, kundi para rin sa buong support system ng lehislatura.
“Ako rin po ay dating empleyado ng City Council at ang karangalang ito ay tinataas na rin ang dignidad ng pagiging empleyado,” pahayag niya sa sesyon.
Ipinabatid din niya na ang tagumpay ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng council secretariat at ng pamumuno ng pangalawang alkalde.
Inaprubahan ni Atienza ang resolusyon at hinimok ang mga miyembro ng konseho na gawing inspirasyon ang natanggap na parangal.
“I also would like to make a manifestation that such an award should give you more drive to create more ordinances and resolutions na nag-aaklas para sa ating mga kababayan,” aniya.
Iginawad ang parangal sa 2025 Urban Governance Exemplar Awards na ginanap noong Nobyembre 4, 2025 sa Quezon City.
Kinilala rin ang Maynila bilang NCR Top Performer para sa Local Council on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children (LCAT-VAWC) 2025 Functionality Audit at NCR Top Performer para sa Informal Settler Families (ISF) Cluster.
Nakatanggap din ang lungsod ng pagkilala bilang Significant and Invaluable Partner ng Peace and Order Council (POC) at Anti-Drug Abuse Council (ADAC).
Sa pagpapatuloy ng konseho, pinatutunayan ng mga natanggap na pagkilala na ang pamumuno ni Atienza ay nananatiling nakatuon sa pagpapanatili ng mataas na antas ng serbisyo—at sa pagtiyak na bawat sesyon ay produktibo at nakaugat sa tunay na pangangailangan ng bawat Manileño. (Gene Adsuara)