• November 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: November 22, 2025
    Current time: November 22, 2025 10:39 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Usec. Castro, hindi masabi kung bakit at sino ang nagpatanggal kay Bersamin bilang Executive Secretary

HINDI masabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung bakit tinanggal sa puwesto si dating Executive Secretary Lucas Bersamin at kung sino ang nasa likod ng hakbang na ito matapos na idawit ni Bicol party-list Rep. Elizaldy Co sa kontrobersiyal at maanomalyang flood control scam ang dating tinaguriang “Little President.”
“Hindi ko po masasabi kung sino po ang nagpatanggal sa kaniya,” ang sinabi ni Castro nang tanungin sa press brefing sa Malakanyang kung bakit tinanggal si Bersamin at sino ang nagpatanggal sa kanya.
Matatandaang, si Castro ang nag-anunsyo nang pagbibitiw sa puwesto ni Bersamin, ‘out of delicadeza.’
Nauna rito, itinanggi ni Bersamin ang lumabas na balita na siya ay nagbitiw sa puwesto, ‘out of delicadeza’.
Noong Setyembre ay nadamay ang pangalan ni Bersamin sa anomalya sa flood control project kung saan ibinunyag ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo na mayroong commitment ito ng 15 percent sa Office of Executive Secretary mula sa P2.85-bilyon na halaga ng proyekto na pinabulaanan naman ni Bersamin.
Sinasabing hindi lamang si Bersamin ang isang malaking kuwestiyon sa mga mamamayang filipino na inalis sa puwesto, kinuwestiyon din ng publiko ang pagkakaalis kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong mula sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.
“Tanong po natin, tinanggal po ba si Mayor Magalong? Sino po ba ang nag-resign? Ang huli nating pagkakasabi tungkol kay Mayor Magalong ay papatingnan, ipapa-check, ipapa-assess sa legal team kung mayroon bang naba-violate. Wala pong nagpa-resign kay Mayor Magalong, aksiyon niya po iyan, boluntaryo kaya hindi po puwedeng isama or sabihin na may unceremoniously call for his resignation,” ayon kay Castro.
At sa tanong kung bakit tila nauuna ang anunsyo bago pa ipatawag sila para ipaalam na aalisin sila sa puwesto, sinabi ni Castro na “Tandaan po natin, lahat naman po kami ang aming service ay upon the pleasure of the President. Sabi nga nila pagpasok mo dito hindi mo alam kung ito na iyong huling araw mo. So, lahat po kami dapat ay handa doon.”
Samantala, sa ngayon ay wala pang ipinaaabot kay Castro kung may internal investigation ukol sa flood control mess.
Ang katuwiran ni Castro ay mayroon naman na kasing ICI na nag-iimbestiga sa mga isyu patungkol sa flood control projects at infrastructure para mas maging independent aniya ang imbestigasyon. ( Daris Jose )