• November 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: November 22, 2025
    Current time: November 22, 2025 12:37 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mga BPO firms na pilit nagpapasok sa mga empleyado noong may kalamidad, imbestigahan

HINIKAYAT ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno ang Kamara na imbestigahan ang napaulat na ni-require ng mga business process outsourcing (BPO) firms ang mga empleyado nito na pumasok kahit may kalamidad at matinding bagyo.

Sa House Resolution No. 491 na isinumite kasama sina Akbayan Partylist Reps. Perci Cendana at Dadah Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, nanawagan si Diokno sa House committee on labor and employment, committee on disaster resilience, ay iba pang kaukulang komite na magsagawa ng joint inquiry sa umano’y hindi ligtas na work practices na nakaapekto sa mahigit na 1.8 million Filipino BPO workers sa buong bansa.

Sinabi ni Diokno sa kanyang privilege speech nitong Lunes (Nov. 17) na batay sa lumabas na credible reports na pinapasok ng BPO companies ang kanilang empleyado na pisikal na pumasok sa trabaho o pilit na pinagamit ng leave credits noong may bagyo at iba pang natural na kalamidad, sa kabila ng mapanganib na kondisyon at government advisories.

“Sa kasagsagan ng Bagyong Tino at Bagyong Uwan, maraming BPO workers ang napilitang lumusong sa baha at sumuong sa malalakas na ulan at hangin—hindi upang maghanap ng ligtas na masisilungan, kundi upang makapasok sa trabaho. Ayon sa kanila, pinagbantaan sila ng kanilang mga kumpanya na paparusahan kung hindi sila papasok, kahit malinaw na delikado ang sitwasyon,” anang mambabatas.

Binigyan diin nito na ang practice na papasukin ang manggagawa na pumasok kahit may kalamidad ay ipinagbabawal sa batas, kabilang na ang probisyon sa Labor Code on occupational safety, at Republic Act No. 11058, para sa karapatan ng empleyado na tumanggi ng trabaho ng walang pangamba na mapapatalsik sa trabaho.

Dagdag pa aniya ang DOLE Labor Advisory No. 17 (2022) na nagsasaad na ang “employees who fail or refuse to work due to imminent danger resulting from weather disturbances shall not be subject to administrative sanction.”

Sa kabila ng mga polisiya, 98 BPO firms ang tinignan ng Department of Labor and Employment kasunod ng ulat na pinilit na pumasok sa trabaho noong may bagyo.

Bukod sa imbestigasyon, pinasisilip din ng resolution ang contingency plans at emergency protocols ng mga kumpanya para masiguro ang kaligtasan ng empleyado, enforcement mechanisms ng RA 11058 at karapatan na tumanggi sa hindi ligtas na trabaho; sapat na tugon ng DOLE sa reklamo at potential legislative reforms, tulad ng paid emergency leave, expanded remote-work options, simplified reporting mechanisms, at mabigat na parusa sa mga lalabag.
Ang Pilipinas ay tinatamaan ng nasa 20 bagyo sa isang taon, na nakaapekto sa kaligtasan at work mobility ng mga manggagawa.
“Filipino workers are not waterproof and calamity-proof. Forcing them into danger for profit is unacceptable, and we will never stand idly by in the face of unjust policies,” pagtatapos ni Diokno.
(Vina de Guzman)