• November 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: November 22, 2025
    Current time: November 22, 2025 1:33 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Erice nanawagan kay PBBM ng pagpapaliwanag ukol sa P100B insertions; DBM, Finance, NEDA , dapat ipatawag

NAGBABALA si Caloocan 2nd District Rep. Edgar R. Erice na ang Pilipinas ay nasa gitna ng isang malalim na krisis politikal, ekonomiko, at moral, na higit pang pinapatindi ng lumalalang korapsyon at hidwaang pampulitika.

“Ang landas tungo sa solusyon ay hindi kaguluhan, hindi kudeta, at hindi “BBM Resign. Hindi po solusyon ang pagpapatalsik sa Pangulo. Mas lalo itong magdudulot ng pagkakawatak-watak sa bayan, ” pahayag ni Erice.

Aniya, kung mapalitan ang Pangulo sa paraang hindi naaayon sa Saligang Batas, mas lalo lamang lalalim ang awayang pampulitika at magpapatuloy ang cycle ng paghihigantihan at palitan ng kapangyarihan.

“Kapag nag-resign si Pangulong Bongbong Marcos, papalit si VP Sara, at lalo tayong magkakawatak-watak. Wala ring tunay na pagbabago kung ang sistema ay bulok pa rin,” dagdag niya.

Nananawagan si Erice na kinakailangan dumaan sa Konstitusyonal na Proseso at ang nagkasala sa gitna ng mga akusasyon ng korapsyon laban sa Pangulo, mga mataas na opisyal, at iba pang sangay ng gobyerno.

Aniya, kung may ebidensyang lumabag ang Pangulo o sinumang opisyal sa Konstitusyon, naroon ang impeachment, ang Independent Commission on Infrastructure (ICI), at iba pang legal na mekanismong dapat galangin.

Iginiit din ni Erice sa Makabuluhang Kontitusyonal na Reporma na hindi sapat ang pagpapalit ng mga tao, ang dapat palitan ay ang sistemang nagpapalago ng katiwalian.

Kaya nanawagan siya ng agarang pagpasa ng mga sumusunod: 1. Anti-Political Dynasty Law na layong wakasan ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilang pamilya at itama ang deka-dekadang pag-abuso; Anti-Turncoatism Law , na tutuldok sa balimbingan at gawing makabuluhan ang political parties; Campaign Finance Reform na layong gawing patas ang laban sa halalan at mabawasan ang impluwensiya ng yaman sa politik at ang Pagpapalakas ICI nang sa gayon ay magkaroon ng tunay na kakayahang imbestigahan, kasuhan, at supilin ang korapsyon sa mga proyekto ng gobyerno, maging sino man ang mabulgar.

Panawagan niya kina Pangulong Bongbong Marcos, Pangalawang Pangulong Sara Duterte, mga Senador, at mga kasamahan sa Kamara na unahin ang bayan bago ang sarili.

Hinimok din niya si Pangulong Marcos na isama sa legislative agenda ang mga repormang nabanggit at i-certify as urgent.

Hinikayat din ni Erice ang Pangulo na ipaliwanag nang malinaw sa publiko ang mga alegasyon ni dating Congressman Zaldy Co tungkol sa ₱100 bilyong insertions sa 2025 General Appropriations Act at iba pang nakaraang taon.

“Ito ay isyu ng kakayahan at pananagutan. Hindi maaaring balewalain. Kaya nananawagan ako na imbitahan at tanungin agad ang mga opisyal ng Department of Budget and Management, Department of Finance, at NEDA Secretary upang lumabas ang katotohanan.” giit ni Erice.

Sa pamamagitan ng Konstitusyon, maaari pa nating iligtas ang bayan at bigyan ang mamamayan ng tunay na pagbabago,” pagtatapos niya.
(Richard Mesa)