• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 11:49 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

OA SA PANIC-BUYING

KALAT nasocial media ang mga insidente ng panic- buying kung saan nagkakaubusan na raw ng suplay ng alcohol, hand sanitizer, tissue, face mask at iba pa sa gitna ng outbreak ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Kaugnay nito, agad na umapela ang gobyerno sa publiko na iwasan ang pagse-share ng mga hindi beripikadong impormasyon dahil magdudulot lamang ito ng panic.

 

Tiniyak din ng Department of Trade and Industry (DTI) sa taumbayan na hindi kailangang mag-hoard ng alcohol dahil hindi naman nagkaroon ng production stoppage sa mga ito.

 

Anila, mauubos ang pera ng mamimili, pero hindi ang suplay ng alcohol. Kaya mamili lang ng kailangan para sa isang linggo o pinakamatagal na ang isang buwan.

 

Pinayuhan na rin ang mga supermarket na limitahan ang pag-display ng mga produkto para hindi mag-hoard ang mga mamimili, pero huwag sanang hayaan na may mabakanteng estante dahil dito nagsisimula ang maling akala, tipong ‘pag nakita ng mga mamimili na wala nang display, iisipin nilang wala nang stock na nauuwi na sa panic.

 

Isa pang epekto ng panic-buying ay nagkakaroon ng pagkakataon ang mga abusado at sugapa sa pera na pagkakitaan ang sitwasyon. Magho-hoard saka ibebenta sa mas mataas na presyo sabay tatakutin ang buyer na kesyo lalo pang magmamahal hanggang sa wala nang mabili, ang tindi n’yo po.

 

Kaya ngayong nagbigay naman ng garantiya ang DTI na sapat ang suplay sa merkado ng essential items, huwag nang mag-panic. Huwag nang magpaloko sa mga nag-aalok ng alcohol sa hindi makatarungang halaga.

 

Try kaya nilang ipaligo hanggang sa luminis ang kanilang konsensiya? Tablan sana. Panawagan naman natin sa kinauukulan, turuan ng leksiyon ang mga mapagsamantala. Tuwing may problema sa bansa ay nakikisabay din sila na para bang nakakakita ng oportunidad para makapanlamang ng kapwa. Mahiya naman kayo!