Mister na wanted sa homicide, frustrated homicide sa Valenzuela, tiklo
- Published on November 6, 2025
- by @peoplesbalita
NAGWAKAS na ang mahigit 20-taon pagtatago ng isang lalaki na wanted sa kaso ng frustrated homicide at homicide matapos maaresto ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, ang 58-anyos na akusado na residente ng Brgy., Palasan ay kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person sa Valenzuela City Police.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela Police na naispatan ang presensya ng akusado sa Brgy., Malinta ay kaagad silang nagsasagawa ng operation.
Alas-11:20 ng hapon nang tuluyang makorner ng mga tauhan ni Col. Talento ang akusado sa kahabaan ng Dulong Tangke Street, Barangay Malinta.
Ang akusado ay dinakip ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest para sa Frustrated Homicide at Homicide na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 171, Valenzuela City, noong August 24, 2005, at may inirekomendang piyansa na P64,000.00.
Matapos nito, isinailalim sa medical examination ang akusado bago tinurned sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela Police kung saan siya pansamantalang nakakulong habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (Richard Mesa)