PBBM, nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya anim na mga nasawing bayani sa bumagsak na PAF chopper sa Agusan del Sur
- Published on November 6, 2025
- by @peoplesbalita
NAGPAABOT ng kanyang pakikiramay sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pamilya ng anim na nasawing bayani sa bumagsak na Philippine Air Force (PAF) chopper sa Agusan del Sur.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na hindi lingid sa kaaalam ng Pangulo ang pangyayaring ito.
“Pinapaabot [ng Presidente] ang pakikiramay [niya] sa pamilya ng mga nasawing bayani ng ating bansa, at ang lahat ng tulong na nararapat ay dapat na iparating sa naapektuhan na pamilya,” ayon kay Castro.
Nakipagtulungan na aniya ang Malakanyang sa Department of National Defense (DND).
Samantala, narekober na ng search and rescue team ang mga labi ng anim na katao na sakay ng bumagsak na Super Huey helicopter ng Philippine Air Force (PAF) sa bayan ng Loreto, Agusan del Sur kahapon, bandang alas-10:55 ng umaga.
Ayon kay Col. Christina Basco, tagapagsalita ng PAF, sa panayam ng Bombo Radyo, kabilang sa mga nasawi ang dalawang piloto at apat na crew member na pawang miyembro ng kanilang search and rescue group. Kasama nila sa operasyon ang tatlong iba pang helicopter units.
Ang naturang chopper ay galing sa Davao City at patungo sana sa Butuan City upang mag-preposition at maghatid ng ayuda para sa mga biktima ng Bagyong Tino, nang mawalan ito ng komunikasyon sa iba pang helicopter na kasabay sa misyon.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng naturang helicopter. (Daris Jose)