• April 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

P136K droga, nasamsam sa drug suspect sa Valenzuela

KALABOSO ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makuhanan nang mahigit P.1 milyong halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) OCI Chief P/Lt. Sherwin Dascil ang naarestong suspek na si alyas “Jomar, ng Brgy. Gen T De Leon.

Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Lt. Dascil na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng illegal na droga ng suspek sa kanilang lugar at kalapit na mga Barangay.

Nang positibo ang ulat, kaagad ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni Lt. Dascil ang buy bust operation laban kay alyas Jomar sa koordinasyon sa PDEA.

Dakong alas-10:50 ng gabi nang makipagtransaksyon umano ang suspek sa isa sa mga operatiba ng SDEU na nagpanggap na poseur buyer sa M. Bernardino St., Brgy., Ugong na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 20 grams ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P136,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang pitong P1,000 boodle money at P200 recovered money.

Ayon kay Lt. Dascil, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)