Pinas, kumpiyansa na makaka-attract ng mas maraming investments sa gitna ng APEC Summit 2025
- Published on October 31, 2025
- by @peoplesbalita
KUMPIYANSA ang Pilipinas na makapaghahatid ng mas maraming investments sa bansa ang 2025 APEC Summit sa Gyeongju, South Korea sa kabila ng usapin ukol sa korapsyon sa bansa.
Inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magpapartisipa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Summit, nakasentro sa kalakalan at ekonomiya, mula October 30 hanggang November 2.
”Yes, these are opportunities for us to get more investments from the Republic of Korea,” ayon kay DFA spokesperson Angelica Escalona sa press briefing nang tanungin kung ang corruption scandal sa Maynila ay makaaapekto sa mga plano ni Pangulong Marcos na ligawan ang mga investors sa sidelines ng Summit.
Ani Escalona, nagkaroon ng interes ang Pilipinas pagdating sa economic aspect.
At nang tanungin naman si Escalona ukol sa 700-billion won o P28-billion infrastructure loan project sa Pilpinas na ipinag-utos ni President Lee Jae-Myung na itigil, sinabi ni Escalona na naplantsa na ang usaping ito.
”’Yung issue na ‘yun, ‘yung alleged loan, we consider that a closed matter. The Republic of Korea has issued a clarification on this at sinabi na rin ng Korea, they reassured us of their support for advancing development cooperation with the Philippines,” ang sinabi ni Escalona.
Sa kabilang dako, inaasahan naman na magkakaroon ng mga miting si Pangulong Marcos sa mga business leaders sa sidelines ng APEC Summit.
Magkakaroon din siya ng ‘meet and greet’ sa Filipino community sa Busan.
Ani Escalona, mayroong 70,000 na mga Filipino sa South Korea, kung saan 42,000 ay pawang mga overseas Filipino workers. ( Daris Jose)