Bawal at illegal na… PBBM, tinintahan na ang Anti-POGO Act of 2025
- Published on October 30, 2025
- by @peoplesbalita
TININTAHAN na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na opisyal na magbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa at pagdedeklara ng kanilang operasyon at iba pang kaugnay na aktibidad bilang illegal.
Sa katunayan, nilagdaan ng Pangulo ang Republic Act No. 12312 o mas kilala bilang Anti-POGO Act of 2025 nito lamang Oktubre 23, base sa kopya ng dokumento na ipinalabas ng Malakanyang, araw ng Miyerkules,
“The State recognizes that the maintenance of peace and order, the protection of life, liberty, and property, and the promotion of the general welfare are paramount for the meaningful enjoyment of democracy. The State likewise values the dignity of every human person and guarantees full respect for human rights,” ang nakasaad sa bagong batas.
“To this end, offshore gaming operations in the Philippines are hereby banned and declared unlawful,” dagdag nito.
Sa ilalim ng batas, pinagbabawal ang pagsasagawa kabilang na ang ‘pagtatayo, operasyon o pagsasagawa ng offshore gaming sa Pilipinas, maging ang pagtanggap ng anumang uri ng pagtaya o pustahan para sa offshore gaming operations.
Ipinag-utos din ng batas ang permanenteng kanselasyon ng lahat ng lisensiya na ipinalabas para sa POGO operations.
Ang lahat ng Alien Employment Permits at certificates of exemption at exclusion na ipinalabas ng Department of Labor and Employment (DOLE), at maging ang anumang visa or work permit na ipinalabas ng Bureau of Immigration (BI) o ng iba pang visa-issuing agencies sa POGO workers ay pinapawalang-bisa.
“Upon the effectivity of this Act, the DOLE, the BI, and other visa-issuing agencies shall not be allowed to issue any visa or work permit to any person for purposes related to offshore gaming operations,” ang nakasaad sa batas.
“The BI shall ensure that any foreign national whose visa is cancelled in accordance with this provision shall be deported directly to the country of his or her birth or citizenship, in coordination with the appropriate embassy or consulate,”ang nakasaad pa rin sa batas.
Sa ilalim ng RA 12312, ang lahat ng POGOs, at maging ang POGO gaming content providers, accredited service providers, at local gaming agents na napawalang-bisa ang lisensya, nananatiling liable para sa taxes, duties, regulatory fees, at lahat ng iba pang charges hanggang sa huling araw ng kanilang operasyon.
Ito ay ‘due at payable’ sa gobyerno para sa mga obligasyon na nagmula sa o may koneksyon sa kanilang operasyon.
Inatasan naman ang Bureau of Internal Revenue (BIR) “to audit persons and entities” para idetermina ang anumang outstanding tax liabilities, sa kabila ng pagpapawalang bisa ng lisensiya at pagsasara ng mga operasyon.
Ang POGO local gaming agent ay magpapatuloy na kumilos bilang authorized representative para sa pagbabayad ng buwis na nagresulta mula sa BIR audit.
“The law directs the DOLE to formulate and implement transition plans, programs, and activities for affected Filipinos previously employed in the POGO industry,” ayon sa ulat.
Ang DOLE ay inatasan na makipagtulungan sa Technical Education and Skills Development Authority, Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Trade and Industry, at Commission on Higher Education para sa pagsasanay, retooling, skills development, at transisyon ng mga apektadong Filipino workers sa kalidad ng trabaho.
Ang RA 12312, nagtatag ng Administrative Oversight Committee, na uupuan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission bilang chair o organizational successor-in-interest nito, upang tiyakin ang tama at epektibong implementasyon ng pagba-ban.
Ang ibang mga miyembro ng komite ay kinabibilangan ng DICT, Department of Justice, at Department of the Interior and Local Government.
Ang AOC ay may mandato na magsumite ng isang ‘compliance monitoring report’ sa Office of the President, Senado, Mababang Kapulungan ng Kongreso na hindi lalampas sa isang taon matapos ang pagiging epektibo ng batas.
Ang mga lumabag sa batas ay mahaharap sa pagkabilanggo ng hanggang 8 taon at pagmumultahin ng P15 million para sa first offense; hanggang 10 taon na pagkabilanggo at multa P 30 million para sa second offense; at hanggang 12 taon na pagkabilanggo at multa ng hanggang P 50 million para sa third offense.
Kapag ang offender ay isang public official o empleyado, ang maximum penalty ay ipapataw.
Kapag ang guilty offender ay isang foreign national, siya ay kaagad na ide-deport matapos pagsilbihan ang sentensiya at permanenteng pagbabawalan na muling pumasok sa Pilipinas.
Ang RA 12312, na isinapubliko, araw ng Miyerkules, magiging epektibo 15 araw matapos ang paglalathala sa Official Gazette o sa isang pahayagan na may general circulation.
Matatandaang, noong 2024, ipinag-utos na ni Pangulong Marcos ang pagbabawal sa lahat ng POGO kung saan idinadawit ang mga awtoridad sa mga organisadong krimen gaya ng human trafficking, money laundering, online fraud, kidnapping at maging ang pagpatay.
Sa kaparehong taon, sinalakay ng mga awtoridad ang POGO hubs sa Pampanga at Tarlac. (Daris Jose)