• April 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon, opisyal na inilunsad bilang Pilot City ng Media and Information Literacy

SA pamamagitan ng patuloy na pagsisikap nitong bigyang kapangyarihan ang mga Malabueño sa epektibo at responsableng paggamit ng media at digital platform, ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon, sa pakikipagtulungan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), ay buong pagmamalaki na inihayag na ang Lungsod ng Malabon ay opisyal na inilunsad bilang isa sa mga Pilot Cities ng Media and Information Literacy (MIL) sa mundo.

Ginanap ang seremonya ng paglulunsad sa online seminar “Paglunsad ng MIL Cities” na may temang “MIL Cities: Connecting Communities through Information and Culture.” Ang Malabon ay isa lamang sa 10 lungsod sa buong mundo na napili upang maging isang MIL Pilot City.

“Hindi lang po ito basta karangalan para sa atin. Ito ay isang pagkakataon upang masiguro na ang bawat Malabueño ay marunong sa matalinong paggamit ng social media at iba pang digital platforms. Noong simula pa lamang ng ating panunungkulan, prayoridad na natin na masiguro na ang bawat residente ng lungsod ay may tamang kaalaman tungkol sa ating mga programa at serbisyo, at hindi basta-basta naniniwala sa mga maling balita. Ang Media and Information Literacy ay hindi lamang isang konsepto—ito ay isang makapangyarihang kasangkapan na magpapalaya sa ating kaisipan,” ani Mayor Jeannie Sandoval.

Ayon sa UNESCO, isinasama ng MIL Cities ang pag-aaral ng media at information literacy sa parehong pisikal at virtual spaces, na naglalayong bigyang kapangyarihan ang lahat ng mga mamamayan na mag-isip nang kritikal at gumamit ng media nang responsable. Kabilang dito ang pag-embed ng mga prinsipyo ng MIL sa mga pampublikong espasyo tulad ng transport terminal, health facilities, paaralan, at community centers, fostering lifelong learning, inclusivity, at sustainability.

Ang Pamahalaang Lungsod ay gumagamit ng aktibong official social media pages nito, kabilang ang (Malabon City Government, Mayor Jeannie Sandoval, Malabon City Tourism and Cultural Affairs Office, Malabon DRRMO, Malabon CENRO, City Health Department – Health Promotion Unit, bukod sa iba pa) upang maghatid ng mga real-time na balita, mga advisory sa kalusugan, at weather and emergency updates.

Noong 2024, inilunsad ng lungsod ang Malabon TV, isang mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng balita at impormasyon para sa lahat ng Malabueño.

Itinatag naman ng City of Malabon University (CMU) ang CMU I-Connect, isang online news platform na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga student journalist na gumawa at magsuri ng nilalaman ng balita para sa kanilang mga kapantay—nagsusulong ng kritikal na paggamit ng media sa loob ng akademikong komunidad.

Sa panahon ng kaganapan, si City Administrator Dr. Alexander Rosete ay nagsilbi rin bilang isang panelist, tinatalakay ang mga hakbangin ng pamahalaang lungsod sa pagtataguyod ng isang “thinking culture” sa pamamagitan ng media at information literacy.

“Media and Information Literacy is not just digital—it’s about thinking critically, acting responsibly, and celebrating who we are as Malabueños. And by becoming critical thinkers, Malabueños will be encouraged to engage in local government initiatives directed toward the city’s development. Our goal is to build a city that not only consumes information but also understands, analyzes, and uses it to promote progress,” ani Dr. Rosete. (Richard Mesa)