Dumalo at nagbigay ng inspirasyon si VP Sara: Direk NIJEL, ibinida ang mga proyektong paparating sa 25th year ng NDM studios
- Published on October 30, 2025
- by @peoplesbalita
PAGKALIPAS ng 25 taon ng mga live events at produksyon sa teatro, bumandera ang NDMstudios sa ika-25 taon nila sa industriya sa pamamagitan ng taunang NDM Expo na ginawa sa Funan, Golden Village, Singapore noong Oktubre 24–26, 2025.
Punong-puno ng energy ang event at ibinida nila ang mga “turning points” at mga proyekto nila sa 2026. Ang pinaka-kapana-panabik dito ay ang sariling global streaming platform nilang NDM+ o NDMplus na inilunsad ng power couple na Direk Nijel de Mesa at Ms. Jan Christine.
Ang kilalang host-actress na si Daiana Menezes, isa sa Board of Advisers ng NDMstudios, ay nagbigay-diin sa kanyang talumpati patungkol sa mga gagawing NDM+ experiences. Ito ay mga live events na ang makakapanuod lamang ay subscribers ng NDMplus.
Nagtalumpati rin si Will Devaughn, isa rin sa mga Board Member ng NDMstudios, para pukawin ang pananabik ng mga dumalo. Ipinakita rin sa Expo ang paglulunsad ng mamahaling commemorative figurine para sa “Direku,” isang kilalang karakter ng NDM Animation.
Bago pa man ang trade launch day, ang unang araw ng NDM Expo ay nag-umpisa sa isang film forum kasama ang mga OFW at mga residente ng Singapore para sa mga bagong full-length films ni Direk Nijel sa bagong base ng NDMstudios sa Singapore, sa Hong Lim Complex, Chinatown.
Dumalo si Vice President Inday Sara Duterte sa huling bahagi ng film forum sa unang araw ng NDM Expo para makiisa, mag-observe, at magbigay inspirasyon sa mga OFWs na nandoon.
Sa ikalawang araw ng NDM Expo sa Golden Village, Funan, nagpasalamat si Direk Nijel de Mesa kay Senator Bong Go, Chief Persida Acosta, Mr. Jing at Veron Turla, MTRCB Chairperson Lala Sotto, Dr. Paul Chua, Konsehal Alfred Vargas, DILG Asec. Beth De Leon, at iba pang opisyal ng gobyerno na sumuporta sa kanyang mga proyekto.
Matagumpay na nagtapos ang Expo sa isang incentive tour sa Singapore para sa mga creatives at management ng NDMstudios. Mula sa Japan, Taiwan, at Singapore, totoo ngang lumilipad na ang NDMstudios sa buong mundo gamit ang kanilang “Fly-Film-Fun” na estilo ng paggawa ng pelikula.
Sana ay mas marami pang mapagtagumpayan ang NDMstudios sa susunod na taon!
(ROHN ROMULO)