Brazilian National naharang sa NAIA, ₱10 milyon na halaga ng liquid cocaine na kumpiska
- Published on October 29, 2025
- by @peoplesbalita
NAHARANG ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 1,899 gramo ng pinaghihinalaang Liquid Cocaine na nagkakahalaga ng ₱10,064,700.00 sa interdiction operation sa Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang Brazilian national nitong Oktubre 24, 2025, sa lungsod ng Pasay.
Ang operasyon, na isinagawa bandang alas-5:00 ng hapon ay humantong sa pagkakaaresto kay “Elysa”, 32 taong gulang, may asawa at isang negosyanteng babae mula sa Chapadinha, Maranhao, Brazil.
Nakumpiska mula sa kanyang pag-aari ang isang itim na brassiere na may label na “DelRio” na naglalaman ng sampung knot-tied transparent latex na piraso na puno ng isang madilaw na likidong substance na pinaghihinalaang Liquid Cocaine, na may kabuuang tinatayang timbang na 1,899 gramo.
Kasama sa iba pang nasamsam na mga bagay ang kanyang Brazilian passport, boarding documents, foreign currency, assorted bank cards, cellphones, at iba’t ibang personal na gamit.
Ang interdiction ay magkatuwang na isinagawa ng mga miyembro ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) na binubuo ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs (BOC), PNP Aviation Security Group (AVSEGroup), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG), National Bureau of Investigation (N).
Kakasuhan ang suspek ng Paglabag sa Section 4 (Importation of Dangerous Drugs) sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may parusang habambuhay na pagkakakulong at multang mula ₱500,000 hanggang ₱10 milyon at depende sa dami ng sangkap.
Ang nakumpiskang substance ay isinumite na sa PDEA Laboratory Service para sa qualitative at quantitative examination. Kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang suspek para sa inquest proceedings. Ang lahat ng mga operating personnel ay iniulat na ligtas. (PAUL JOHN REYES)