• October 21, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 22, 2025
    Current time: October 22, 2025 6:08 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, mulat sa mga isyung kinakaharap ng hepe ng GSIS- Malakanyang

MULAT si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kontrobersiyang bumabalot kay Government Service Insurance System (GSIS) President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso at pag-aaralan ang alegasyon bago magdesisyon sa kung anuman ang magiging aksyon.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inaasahan na ni Pangulong Marcos ang integridad at pananagutan mula sa lahat ng pinuno mga ahensiya subalit hindi magmamadali o mangunguna sa paghatol nang walang ‘due assessment.’
“Ang alam po natin, ang Pangulo po, ang gusto po niya ay mga taong tumutugon sa kanilang mga obligasyon. Dapat ang pamumuno at tamang leadership ang nais ng Pangulo sa bawat ahensiya,” ang sinabi pa rin ni Castro.
Binigyang diin pa rin ni Castro na ang mga reklamo laban kay Veloso, kabilang na ang akusasyon ng gross mismanagement at non-compliant investments na nagresulta ng P8.8 billion na pagkawala, ay labis na sineryoso.
“Kung mayroon pong mga reklamo sa ngayon, dapat po itong inaaral nang masinsinan. Kung mayroon naman pong basis, tingnan po natin kung anong magiging desisyon ng Pangulo,” dagdag na wika ni Castro.
At nang tanungin kung naipaalam ba sa Pangulo ang panawagan na magbitiw sa puwesto si Veloso, sinabi ni Castro na “Opo, alam niya na po .”
Samantala, nangako naman ang Malakanyang na magbibigay ito ng updates sa oras na makompleto ng Pangulo ang pagrerebisa sa usapin.
( Daris Jose)