Malabon LGU, pinalakas ang pagsasanay sa paghahanda sa lindol, iba pang kalamidad
- Published on October 18, 2025
- by @peoplesbalita
MAS pinalakas pa ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang kakayahang tumugon sa emerhensiya sa pamamagitan ng komprehensibong pagsasanay sa rescue operations na isinagawa, katuwang ang Makita Tools Philippines.
Kabilang ang Malabon sa mga unang local government units (LGUs) sa Metro Manila na nagsagawa ng “Earthquake Preparedness Orientation”, na pinangasiwaan ng Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Makita Tools Philippines.
Nakatuon ang pagsasanay sa wastong paghawak, operasyon, at pagsagip na mahalaga sa panahon ng mga emerhensiya tulad ng lindol at iba pang kalamidad.
May 260 kalahok na binubuo ng mga tauhan ng pamahalaang lungsod, mga opisyal ng barangay, at mga mag-aaral ang dumalo sa demonstrasyon ng Makita Tools PH kung paano gamitin ang mga kagamitan sa pagsagip tulad ng mga cordless power cutter, chain saws, recipro saws, metal cutter, flashlight, tripod lights, LED work lights, rebar cutter, rotary hammers, warmer cooler, at cordless fan.
“Malabueños, ang kaligtasan ng bawat buhay sa bawat tahanan ay mahalaga — at ito po ang ating pangunahing prayoridad, lalo na matapos ang mga napabalitang lindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Para sa atin, ano mang kalamidad ay seryosong bagay at dapat pagtuunan ng pansin. Tayo ay patuloy na naghahanda upang masiguro ang kapakanan ng bawat Malabueno,” ani Mayor Jeannie Sandoval.
“Ang programang ito ay napapanahon dahil sa panahon ng pangangailangan, dapat ay handa tayong tumulong,” dagdag niya.
Pinuri ni Mayor Jeannie ang Makita Tools Philippines at ang pamahalaang lungsod na unang LGUs na nagpatupad ng isang programa na nagbibigay ng hands-on na karanasan sa paggamit ng mga power tool at espesyal na kagamitan sa pagsagip.
Binigyang-diin naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete, na ang inisyatibang ito ay pangako ng Malabon sa pagbuo ng disaster-resilient community sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor.
“We want our responders to be fully prepared and trained to handle any situation during disasters. This collaboration with Makita Tools Philippines is a big step toward ensuring the safety and readiness of every Malabueno,” aniya. (Richard Mesa)