• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:13 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Para sa ganap na transparency Mga proyekto ng PARTY-LIST sa DPWH, isama sa pagbunyag-Tiangco

HINIKAYAT ni Navotas Representative Toby Tiangco ang House Committee on Appropriations na i-publish din sa official website ng House of Representatives ang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na inilaan sa mga proyektong inendorso ng mga party-list representatives.Ayon kay Tiangco, ito ay upang matiyak ang ganap na transparency at maiwasan ang umano’y fund manipulation scheme katulad ng mga nauugnay kay dating Ako Bicol party-list representative si Zaldy Co.“Halimbawa, sa 2025 budget, ang daming project na ininsert ni Zaldy Co na hindi naman nire-request ng kinatawan ng distrito,” pahayag niya.“Mahalagang makita ng taumbayan kung sino ang proponent ng project para malinaw, at kung alam ba ito ng district representative para walang turuan kapag may problema na ang project,” dagdag niya.Nauna nang nanawagan ang mambabatas na mailathala ang kabuuang budget ng DPWH bawat distrito ng kongreso sa ilalim ng 2026 House General Appropriations Bill (HGAB).Aniya, ang pagsasapubliko ng mga bilang na ito ay magpapakita na ang mga mambabatas ay walang itinatago at ang mga pondo ay naipamahagi nang maayos.Sinabi ni Tiangco na unang kumontra sa “small committee” insertions sa Kongreso, na bumoto siya ng “yes” para sa 2026 HGAB matapos kumpirmahin na sa wakas ay pinagtibay ang dalawang repormang matagal na niyang itinutulak ang pagbuwag sa small committee at ang pagharap sa mga indibidwal amendments sa plenary.Binigyang-diin ni Tiangco na ang pagsisiwalat ng mga alokasyon ng district at party-list DPWH ay magpapanumbalik ng tiwala ng publiko at mapipigilan ang “Zaldy Co-style” na pagmamanipula ng badyet sa mga proyektong imprastraktura na pinondohan ng gobyerno.“Kung may transparency sa lahat ng distrito at pati sa party-list allocations, mawawala ang espasyo para sa mga ‘Zaldy Co schemes’ na nagiging dahilan ng pagkawala ng tiwala ng taumbayan sa mga proyekto ng gobyerno,” pagtatapos niya. (Richard Mesa)