LTFRB inatasan ang lahat ng RDs na mag-inspeksyon sa mga bus terminal bilang paghahanda sa Undas INATASAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, ang lahat ng Regional Directors na magsagawa ng inspeksyon sa mga bus terminal at iba pang transport hubs bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng mga biyahero ngayong Undas, Nobyembre 1 at 2.
- Published on October 17, 2025
- by @peoplesbalita
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, inutusan na rin ang lahat ng bus companies at transport operators na tiyaking ligtas, maayos, at kumportable ang kanilang mga terminal para sa mga pasahero.
“Tapusin na natin ang nakagawiang parang utang na loob pa ng mga pasahero ang pagsakay sa mga bus at pampublikong sasakyan. Ang mga pasahero ang lifeline ng inyong negosyo igalang sila sa pamamagitan ng malinis, presentable, at kumportableng mga hintayan,” ani Chairman Mendoza.
Dagdag pa niya, “Sisiguraduhin nating ligtas ang lahat ng pampublikong sasakyan mula sa mismong mga bus hanggang sa mga drayber at konduktor upang makapaglakbay nang ligtas at kumportable ang ating mga kababayan.”
“Dapat gumagana nang maayos ang mga CR, maliwanag, maaliwalas, at libre o may minimal na bayad lamang sa mga pasahero,” aniya.
“Sa ilalim ng ating pamumuno, magiging regular na ito. Hindi lang tuwing Undas, Pasko, o Semana Santa. Magkakaroon tayo ng random checking kahit isang beses kada buwan,” giit ni Chairman Mendoza.
Binigyang-diin din ng LTFRB Chairman ang kahalagahan ng maayos na proseso ng booking para sa lahat ng pasahero.
“Nakikiusap tayo sa mga bus companies na paalalahanan ang kanilang mga empleyado na huwag maging masungit sa mga pasahero. Sisiguraduhin nating susundin nila ito,” dagdag pa niya.
Upang matiyak ang pagsunod sa mga alituntunin, magsasagawa ang LTFRB ng nationwide deployment ng mga ‘mystery passengers’ simula Oktubre 24 upang suriin ang kalagayan ng mga bus terminal at transport hubs. (PAUL JOHN REYES)