• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:17 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malapitan, Sandoval nag-inspeksyon sa mga paaralan sa Caloocan, at Malabon

NAGSAGAWA ng malawakang inspeksyon ang mga Pamahalaang Lungsod ng Caloocan at Malabon sa mga pampublikong paaralan sa dalawang lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at integridad ng mga istruktura, kasunod ng ilang malalakas na lindol na tumama sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa Caloocan, pinangunahan ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang pag-inspeksyon sa mga gusali ng paaralan at ospital, kasama ang City Engineering Department, Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Department, at Office of the City Building Official.

“Masusi po nating siniyasat ang kalagayan ng mga gusali sa iba’t-ibang pampublikong lugar sa lungsod, lalo na sa mga paaralan at ospital upang tiyaking matibay at ligtas ang mga ito lalo na sa panahong hindi natin inaasahan ang lindol o anumang sakuna,” pahayag ni Mayor Along.

Dagdag niya, pinaiigtin na rin ng City Environmental Management Department (CEMD) ang fogging at cleaning operations sa lahat ng paaralan at barangay sa lungsod dahil sa tumataas na bilang ng mga mag-aaral na nagkakaroon ng sakit.

Sinimulan na din ni Mayor Along ang pakikipagpulong sa iba pang mga department head upang matiyak ang kahandaan ng pamahalaang lungsod sakaling magkaroon ng lindol.

Samantala, pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval, kasama ang City Engineering Department ang masusing inspeksyon sa lahat ng paaralan sa Lungsod ng Malabon katuwang ang mga engineer, architect, building at electrical inspectors para matiyak ang kaligtasan at katatagan ng mga gusali ng paaralan.

Kasabay nito, nagsagawa rin ng disinfection ang Sanitation Division Office sa Malabon National High School, Acacia National High School, Acacia Elementary School, Potrero National High School, Potrero Elementary School, at Imelda Integrated School.

Ayon kay Mayor Jeannie, layon nito na masiguro ang kalinisan, kaligtasan, at kaayusan ng mga silid-aralan at pangunahing pasilidad ng paaralan para sa proteksyon at kapakanan ng mga mag-aaral at guro. (Richard Mesa)