• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:03 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Unprogrammed appropriations, kailangan para palakasin ang calamity funds- Malakanyang

BINIGYANG diin ng Malakanyang ang kahalagahan ng unprogrammed appropriations (UAs), sa pagkakataon na paubos na ang calamity funds.

Pinawi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang alalahanin ng ilang mambabatas ukol sa posibilidad na ang UAs ay maaaring gamiting “pork barrel” o “magic fund.”

“Sa palagay po at sa tingin ng pamahalaan, lalong lalo na po ng DBM [Department of Budget and Management], sinasabi po natin, ang budget lalung-lalo na sa unprogrammed appropriations ay kinakailangan po ito,” ayon kay Castro.

“Hindi po ba nagkakaroon tayo ng sinasabi nating magkakaroon ng pag-deplete ng funds sa NDRRM [National Disaster Risk Reduction and Management] dahil sa maraming nangyayaring kalamidad sa ngayon,” aniya pa rin.

Ani Castro, ang UAs ay gagamitin sa oras na ang funding sources, gaya ng Contingent Fund ay naubos na.

Tiniyak naman ni Castro ang maingat na paggamit ng unprogrammed appropriations, binigyang diin na ang pagresolba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihin ang P6.793-trillion national budget para sa 2026 ay ‘malinis at malaya sa iregularidad.”

“Kaya po tandaan po natin, kahit po ito ay nasa unprogrammed, iingatan po ang budget na ito at hindi naman po agad ito mailalabas para katakutan nila at sasabihing magiging pork barrel lamang,” ani Castro.

“Ngayon po sabi nga natin, ang Pangulo mismo ang nagpapaimbestiga patungkol dito sa maanomalyang paggamit ng pondo para sa flood control projects. Mas lalo pong pag-iingatan ng Pangulo ang budget na ito para mas maging maganda at hindi malustay ang pera kung saan-saan,” aniya pa rin.

Tinuran pa ni Castro na rerebisahin ng DBM ang 2026 General Appropriations Bill (GAB), sa oras na aprubahan ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Muling inulit nito na ibe-veto ni Pangulong Marcos ang lahat ng may depektong mga probisyon sa 2026 budget plan.

“Nakausap po natin mismo ang mga taga-DBM. Hihintayin po muna nilang matapos at isang reviewhan na lang. At kung meron talagang hindi tutugma, malamang po mavi-veto kung anong dapat ma-veto,” ang winika ni Castro.

Ang GAB ay nagiging General Appropriations Act kapag nilagdaan na ng Pangulo ang batas. ( Daris Jose)